NUDE PICS NG DALAGITA BANTANG IKAKALAT, SEXTORTIONIST TIMBOG

NUDE PICS

NAHAHARAP sa  kasong paglabag sa Republic Act 9775 (child pornography) at Article 294 (robbery extortion ) in relation to RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, ang isang 20-anyos na binata na inaresto habang kinokolekta sa remittance center ang perang padala ng isang dalagita na tinakot niyang ipakakalat sa social media ang mga hubad na larawan.

Binitbit ng mga tauhan ng Manila Police District-District Investigation Division ang suspek na kinilalang si Mark Christian.

Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-4:00 ng hapon nitong Huwebes nang arestuhin ang suspek sa Robiellane store sa panulukan ng Jhocson St. at Lardizabal St. sa Sampaloc, Manila.

Sa report ng MPD-DID, nakipag-ugnayan sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group  at Women and Children Cybercrime Protection Unit, sa pangunguna ni P/Colonel Alejandrea Silvio, ang isang dalagita na itinago sa pangalang  “Joy”, 16-anyos.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nakilala ng biktima ang suspek sa Facebook  noong Disyembre 29, 2019 at nang makapalagayang-loob ay hinikayat umano ang dalagita ng suspek na ipapasok sa pagiging modelo.

Agad hiningian ng larawan ng suspek ang biktima dahil kailangan ito sa modeling agency.

Makalipas ang ilang araw,  nag-message ang suspek na magkita sila sa isang lugar sa Maynila para ipakilala sa may-ari ng agency.

Nang magkita ang dalawa, hiniram ng suspek ang cellphone ng dalagita at pagkaraan ay hindi na nagpakita si Mark Christian.

Makalipas ang ilang araw, muling nagkita ang dalawa at umano’y nagbanta ang suspek ia-upload ang nude photos ng dalagita sa social media kung hindi siya padadalhan ng halagang P4,000.

Nang magsuplong sa PNP-Crame ang biktima ay ikinasa ang entrapment operation at nadakip ang suspek sa pakikipagtulungan ng MPD-DID.

Naniniwala ang mga awtoridad na marami pang biniktima ang suspek na kanyang hinuthutan dahil sa nude photos ng iba’t ibang babae na nasa kanyang cellular phone. (RENE CRISOSTOMO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment