NAGPAANOD NG PATAY NA BABOY SA ILOG, MANANAGOT

(NI KEVIN COLLANTES)

TINIYAK ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro na pananagutin na ang mga taong responsable sa pagtatapon at pagpapaanod ng mga patay na baboy na pinaniniwalaang tinamaan ng African Swine Fever (ASF) sa Marikina River.

Batay sa ulat ng Marikina Veterinary Office, mula Huwebes ng umaga hanggang nitong Biyernes, ay umaabot na sa 55 mga patay na baboy ang kanilang narekober na palutang-lutang sa kanilang ilog.

Kaagad naman nilang inililibing ang mga nakukuhang patay na baboy upang hindi na makahawa pa ng anumang sakit base na rin sa abiso ng Department of Agriculture (DA).

Matibay ang paniniwala ng Marikina City government na galing ang mga patay na baboy sa ilog sa bayan ng Rizal, partikular sa Rodriguez at San Mateo, dahil wala namang piggery o slaughterhouse sa lungsod ng Marikina.

Tiniyak naman ni Teodoro na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon hinggil dito.

“Para hindi na maulit, dapat ay may managot. Dapat proper disposal. Hindi puwedeng walang mananagot, dapat may managot,” anang alkalde. “May proper disposal na dapat sundin para walang possible contamination.”

Kaagad ring ipinag-utos ni Teodoro ang pag re-activate ng quarantine checkpoints sa lungsod upang mapigilan ang pagpasok ng mga karneng apektado ng ASF.

Bukod dito ay inihinto na muna ng alkalde ang pangingisda sa kahabaan ng Marikina river sa pangambang nagkaroon ng kontaminasyon sa tubig dahil sa nagkalat na mga patay na baboy.

“We are checking if may river contamination. We are checking the water quality para mapangalagaan ang well-being ng Marikina residents,” pahayag pa ni Teodoro.

Sa kabilang dako, nabatid na nakipag-ugnayan na si Dr. Manuel Carlos, hepe ng VSO ng Marikina City sa Bureau of Animal Industry (BAI), para kumuha ng mga blood samples sa mga nakuhang patay na baboy upang isailalim sa pagsusuri ang mga ito.

“Pupunta yung teams ng BAI para kumuha ng sample sa baboy para malaman kung ano ang cause of death, including na doon ang ASF,” saad nito.

Nabatid naman na mismong mga netizens na din ang nagpapadala ng mga litrato at tumatawag sa awtoridad kapag may mga nakikitang patay na baboy na palutang-lutang sa ilog.

Related posts

Leave a Comment