NAG-OVERPRICED SA N95 FACE MASK LAGOT KAY YORME

MANANAGOT kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang medical suppliers na umano’y nagsamantala sa presyo ng N95 face masks.

Napag-alaman, inatasan ng alkalde  si Manila Bureau of Permits Chief Levi Facundo na magpalabas ng show cause order laban sa mapagsamantalang mga indibidwal o korporasyon na nagtaas ng presyo ng N95 face masks, para pagpaliwanagin.

Sinabi ni Moreno, kapag napatunayan na nagsamantala sila sa presyo ng N95 face mask dahil sa  nararanasang ash fall dulot ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal ay posibleng ipawalang-bisa ang permit ng medical supplier na mabibigong magpaliwanag sa pagtataas nila sa presyo ng nasabing produkto.

“Hindi po kailangan magtaas ng presyo dahil sa mataas na demand. Nasa bodega n’yo lang ‘yan at mura lang’ yan na nabili,” giit  ni Moreno.

Nabatid na umabot ng P2,550 ang isang kahon ng N95 face masks na nabili sa isang tindahan sa Bambang Street, Sta. Cruz, Manila.

Samantala, nag-donate naman ng kahon-kahong face masks ang China Embassy sa pangunguna ni Consul Hong Jie, na magagamit laban sa ash fall. (RENE CRISOSTOMO)

Related posts

Leave a Comment