MISIS KINATAY NG ‘DEMONYO’

(NI CHERK BALAGTAS)

ISANG hubo’t hubad na 42-anyos na babae ang natagpuang wala nang buhay at tadtad pa ng saksak sa iba’t – ibang bahagi katawan sa Lungsod ng Caloocan, Lunes ng gabi.

Sa ulat ni Caloocan City Police Chief P/Col. Noel Flores, alas-7:30 ng gabi nang matagpuan ng kanyang amang si Benjamin De Villion ang wala nang buhay na biktimang si Florinda De Villion, sa loob ng bahay nito sa Laon Laan Street, Barangay 31, ng nasabing lungsod.

Ihahatid na sana noon ng ama ng biktima sa kanyang ina ang apo nang madiskubre ang insidente, naiwan umanong mag-isa sa kanilang bahay ang biktima matapos pumasok sa trabaho ang kanyang kinakasamang si Abe Pecayo habang ang kanilang anak ay nasa eskuwelahan naman.

Agad naman nagsagawa ng follow up operation ang mga tauhan ng Caloocan CityPolice Community Precinct (PCP) 2 sa pamumuno ni P/Capt. Herson Manegdeg at naaresto ang isang Jay-Ar Malano na kapitbahay ng biktima.

Berbal namang inamin ng suspek ang krimen, at ayon dito alas-10:00 umano ng umaga ay kalalabas lamang umano noon ng banyo ng biktima na nakatapis lang nang looban niya ang bahay biktima, nahuli umano siya ng biktima dahilan upang magkaroon ng komosyon sa pagitan nila.

Doon na umano siya bumunot ng patalim at pinagsasaksak ang biktima, nagmamakaawa pa umano sa kanya ang biktima na huwag siyang papatayin ngunit ayon sa suspek ay parang na-demonyo umano siya at may bumubulong sa kanyang tuluyan na niya ang biktima kaya’t muli niya pa itong pinagsasaksak hanggang malagutan na ng hininga.

“Parang na-demonyo lang ako, may bumubulong kasi sa akin na tuluyan ko na kaya nagawa ko ang krimen,” ayon kay Malanosa pulisya.

Hindi naman masabi ng suspek kung ano talaga ang pakay nito sa pagpatay at panloloob sa bahay ng biktima, isinantabi na rin ng motibong pagnanakaw dahil wala naman umanong kahit anong bagay na nawala sa bahay ng biktima.

Sa ngayon ay patuloy pa ring inaalam ng awtoridad ang tunay na motibo ng suspek, inaalam na rin kung ginahasa ng suspek ang biktima.

Related posts

Leave a Comment