METROBANK KAKASUHAN NG OBSTRUCTION OF JUSTICE

(NI NICK ECHEVARRIA)

KAKASUHAN ng Philippine National Police (PNP) ng obstruction of justice ang management ng Metrobank dahil sa pagpigil na makapasok agad ang mga pulis sa isa nitong branch sa Binondo, Maynila matapos  holdapin ng pitong armadong kalalakihan Huwebes ng umaga.

Ito ngayon ang pinatitingnan ni PNP Chief General Oscar Albayalde sa kanilang mga imbestigador.

“We will check on that kasi technically, baka pwede kami makapag-file ng case of obstruction of justice” pahayag ni Albayalde sa media sa Camp Crame.

Ayon kay Albayalde, ang ganitong uri ng gawain saan mang pribadong establisimyento, maging sa mga malalaking malls at hotels mangyari ang krimen, ay pag-abala kung hindi man pagkakait sa kakayahan ng mga pulis na imbestigahan ang insidente.

Nilinaw ni Albayalde na kapag may nangyaring krimen sa isang lugar, ikinukonsidera itong “crime scene” kung saan kailangang makapasok kaagad ang mga imbestigador ng PNP.

Nauna nang iniulat ni P/BGen. Vicente Danao Jr., hepe ng Manila Police District (MPD) na pinigilan ng manager ng hinoldap na sangay ng Metrobank ang mga nagrespondeng police personnel sa crime scene para mag-imbestiga.

Nakapasok lamang umano ang mga rumespondeng pulis sa lugar, matapos ang dalawang oras  dahilan kung bakit wala man lang naaresto sa pitong suspek kasama na ang dalawang bantay sa labas.

Ayon kay Albayalde, mahalaga ang oras sa dagliang ikalulutas ng alin mang krimen, saan man ito nangyari.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment