MATANDANG DALAGA, NINAKAWAN NG GIGOLO

facebook nakaw12

WALA pang isang linggong nakilala sa social media ay ninakawan umano ng isang gigolo ang isang matandang dalaga makaraan nilang magtalik sa isang motel nitong Miyerkoles ng gabi sa Malabon City.

Halos iumpog sa pader ng biktimang itinago sa pangalang Cynthia, 47, senior operations manager ng isang telecom company, ang kanyang ulo nang mapagtanto na ninakawan siya ng suspek na kinilalang si Kirby Villanueva, 41, matapos silang mag-check in sa isang motel sa Brgy. Potrero pasado alas-9:00 ng gabi.

Napag-alaman, noon lang Enero 3 nang magkakilala sa isang social media dating site sina Cynthia at Villanueva at dahil sa matamis na pananalita ay agad naakit ang biktima kaya pumayag na magkita sila sa isang fastfood restaurant.

Mula sa kainan ay niyaya ni Villanueva si Cynthia na mag-check-in sa isang motel at ang kotse pa ng biktima ang kanilang ginamit.

Pagkaraan ay niyaya ng suspek ang biktima na kumain sa labas ngunit pinaiwan ang mga gamit at kotse dahil babalik din agad sila.

Kasunod nito ay nagtungo naman ang dalawa sa isang tea house sa Caloocan City ngunit bago dumating ang order na pagkain ay nagpaalam ang suspek na tutungo sa banyo.

Gayunman, namuti na ang mata ni Cynthia sa kahihintay ay hindi  pa rin bumabalik si Villanueva kaya’t mag-isa siyang nagtungo muli sa motel.

Ngunit nanlumo siya nang matuklasang wala na ang kanyang mga gamit kabilang ang mamahaling gadget, relos, salapi, ATM cards, ID at personal na kagamitan.

Ayon sa pulisya, posibleng modus  ng suspek na gamitin ang kanyang gandang lalaki upang mambiktima ng mga babaeng kanyang pangangakuan ng pag-ibig ngunit matapos simsimin ang bango ay kanya nang pagnanakawan.

Dagdag ng pulisya, kahalintulad  ang sinapit ni Cynthia sa mga insidente sa Maynila at Pasay na nakuhanan ng closed circuit television (CCTV) camera at iisa lang ang itsura ng lalaking suspek. (ALAIN AJERO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment