MARCOS BRIDGE BUKAS NANG MULI

(NI KEVIN COLLANTES)

BINUKSAN na kanina sa publiko ang Marcos Bridge na may limang buwan ding isinailalim sa pagkukumpuni.

Ito ay bilang pagtupad ni Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar sa  pangako kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na bago sumapit ang Undas ay bubuksan nang muli sa publiko ang Marcos Bridge.

Mismong sina Villar at Teodoro ang nanguna sa reopening ng eastbound at westbound side ng Marcos Bridge nitong Huwebes ng umaga bilang antisipasyon sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa lungsod ngayong Undas.

Matatandaang may limang buwang isinara ang naturang 40-taong gulang na tulay upang isailalim sa pagkukumpuni.

Nangako naman si Villar kay Teodoro mabuksan muli ang tulay sa publiko bago ang Undas, na mas maaga ng anim na buwan kumpara sa ‘target date of completion’ nito sa Abril, 2020.

“Tunay sa pangako si Secretary kasi nakiusap kami sa kanya na kung pupuwede ay bago mag-‘Undas’ mabuksan itong tulay na ito, dahil inaasahan natin mahigit sa kalahating milyong katao ang dadalaw sa mga sementeryo rito sa Marikina,” ani Teodoro.

Anang alkalde, malaking tulong ang muling pagbubukas ng tulay lalo na at inaasahan nilang mahigit 200,000 sasakyan ang papasok sa Marikina ngayong Undas.

Bukod kina Villar at Teodoro, ang reopening ng tulay ay sinaksihan rin nina DPWH NCR Director Ador Canlas, JH Pajara Construction President Jaime H. Pajara, at DPWH First Metro Manila District Engineer Medel Chua.

Related posts

Leave a Comment