MAGULANG NG MGA BATA SA DRUG RAID KINASUHAN

DRUG RAID-AJ GOLEZ

(NI JEDI REYES/PHOTO BY AJ GOLEZ)

SINAMPULAN na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga magulang na umano’y nagpabaya sa mga anak matapos na madakip ang mga ito sa anti-illegal drugs operations sa Navotas City.

Mga kasong paglabag sa Section 10 ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at paglabag sa Article 59 ng Presidential Decree No. 603 o ang Child and Youth Welfare Code ang inihain laban sa magulang.

Diin ni PDEA Chief Director General Aaron Aquino, magsisilbing babala ito sa mga pabayang magulang na hahayaan lang na pakalat-kalat sa kalsada ang kanilang mga anak na karaniwang nadadawit sa krimen.

“Filing the appropriate charges will serve as warning to parents for their neglect and letting their child roam in the streets, making them vulnerable to be used by groups involved in drug trafficking,” ani Aquino.

Nilalayon ng pinalakas na kampanya ng PDEA na maiwasang magamit ang mga menor de edad ng ilang sindikato ng krimen, lalo na ng ilegal na droga.

Kabilang sa mga kinasuhang magulang ay sina Joland Fernandez Sta. Maria, Geralyn Gulles Patalita, Nicanor Alarde Rosalijos, Emie Moreno, Daniel Bautista, Mary Ann Paraon, Cipriano Glico Moso, Arlene Cortes Salvamante, Loren Ambulo, Rowena Mendoza, Gregory Rojo, Norma Dalimit, Liza Montalban, Ronjing Montalban, Romulo Aguilar Mahinay, Rosebel Sarno Mendoza, at Jeffrey Molina Baltazar.

Isinagawa ang operasyon sa isang slum area sa Barangay North Boulevard nuong Enero 16 na nagresulta ng pagkaka-aresto ng 16 tao, na ang 12 ay mga bata o nasa edad 4 hanggang 15 taon.

Ang mga naturang bata umano ay ginagamit bilang runner, pusher, o drug den maintainer. Nasa kustodiya na ng Bahay Pag-asa ang mga paslit.

 

Related posts

Leave a Comment