MAG-UTOL TIMBOG SA P340-K SHABU

ARESTADO ang magkapatid matapos makumpiskahan ng  P340,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Valenzuela City, noong Sabado ng hapon.

Kinilala ni Valenzuela City Police chief P/Col. Fernando Ortega ang arestadong magkapatid na mga suspek na sina Khalillah Dagalangit, 23, at Jamil Dagalangit, 22, kapwa ng Tala, Caloocan City.

Ayon kay Ortega, dakong alas-4:00 ng hapon nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/Capt. Segundino Bulan Jr., ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa Gen. T. De Leon, ng lungsod, sa koordinasyon sa PDEA.

Napag-alaman, nakipagtransaksyon sa mga suspek ang isang pulis na umaktong poseur-buyer at nakabili ng isang sachet ng shabu kapalit ng P1,000 marked money.

Nang magkaabutan ay agad sumugod ang back-up na mga operatiba at dinamba ang magkapatid.

Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P340,000 ang halaga, buy-bust money, P500 cash, tatlong bundles ng empty plastic sachets, digital weighing scale, cellphone, at sling bag.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (FRANCIS SORIANO)

 

Related posts

Leave a Comment