LIDER NG “GUN FOR HIRE” ARESTADO SA CHECKPOINT

NAHULI sa isang checkpoint na isinagawa ng mga tauhan ng Manila Police District -Traffic Enforcement Unit ang isang umano’y lider ng gun-for-hire syndicate na sangkot sa pagpatay sa isang pulis, iniulat kahapon.

Kinilala ang suspek na si Allan de Castro, alyas Allan Metallica, na nakapiit ngayon sa MPD-Integrated Jail matapos mahulihan ng dalawang kalibre. 45 baril noong Biyernes ng gabi.

Nang masita sa checkpoint, nagtaka ang mga pulis kung bakit ito nakasuot ng bullet proof vest gayung hindi naman ito alagad ng batas.

Sa malalimang imbestigasyon na isinagawa laban kay de Castro, nabatid na plano nitong patayin ang isang Police Captain Evangelista na dating nakatalaga sa Navotas Police Station bilang paghihiganti sa pagpatay ng huli sa kapatid ng suspek.

Nakalkal din sa ilang ulat  na si De Castro ang itinuturong responsible sa pagpatay sa isang PO1 Christopher Estor,  na sumita sa kanya sa Road 10, sakop ng Navotas noong Marso 2012.

Napiit umano sa New Bilibid Prison (NBP) si De Castro sa loob ng sampung taon.

Kamakailan lang ay naaresto din si De Castro ng Navotas Police sa pagbibitbit ng kalibre 45 baril at wala pang isang linggo  ay muli itong naaresto ng MPD sa inilatag na checkpoint  (RENE CRISOSTOMO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment