LALAKI TUMAMBAY NANG MAY BARIL ARESTADO

arrested76

(NI KEVIN COLLANTES)

KALABOSO ang isang lalaki nang maaktuhan ng mga awtoridad na may bitbit na baril sa labas ng kanilang tahanan sa Barangay Cupang, Antipolo City, nitong Biyernes.

Ito ay isang malinaw na paglabag sa ipinatutupad na gun ban ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng midterm elections na idinaos noong Mayo 13.

Dakong alas-11:20 ng gabi nang maaresto ang suspek na si Luisito Mabaza, sa kanyang tahanan sa Purok 6 Zone 8, Bayabas Street, Barangay Cupang, dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (illegal possession of firearms) in relation to Omnibus Election Code (gun ban).

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, nabatid na bago ang pag-aresto ay nakatanggap sila ng sumbong mula sa isang concerned citizen na namataan si Mabaza habang may bitbit na baril sa gilid ng kalsada.

Kaagad namang nagtungo sa lugar ang mga awtoridad upang beripikahin ang ulat at dito nila namataan ang suspek na may nakasuksok na baril sa beywang habang nakatayo sa gilid ng kalsada.

Sinita ng mga pulis ang suspek ngunit nagtatakbo ito papasok sa loob ng bahay upang umiwas sa pag-aresto.

Hinabol naman siya ng mga awtoridad at kaagad na pinosasan saka binitbit sa presinto para idetine at sampahan ng kaso sa piskalya.

Narekober ng mga awtoridad mula sa suspek ang isang kalibre .45  pistola na may serial number 1692470, dalawang magazine at 11 live ammunition.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment