LALAKI SINAKSAK NG DATING ASAWA NG LOVER

stab

(NI KEVIN COLLANTES)

ISANG mister ang nasugatan nang pagsasaksakin ng dating asawa ng kanyang kinakasama, na dati na umanong kaalitan sa Barangay Mauway, Mandaluyong nitong Linggo.

Nilapatan na ng lunas ngunit inoobserbahan pa sa Mandaluyong City Medical Center ang biktimang si Victor Domingo, 42, habang nakatakas naman ang suspek na si Ronnel Ehiga, dating miyembro ng Bantay Bayan at residente rin ng naturang lugar.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Mandaluyong City Police, dakong alas-5:10 ng hapon nang maganap ang insidente habang nakaupo si Domingo sa harapan ng kanilang tahanan sa Block 5, Barangay Mauway.

Bigla umanong dumating ang suspect saka bumunot ng isang ‘Rambo knife’ at ilang ulit na pinagsasaksak ang nabiglang biktima.

Dalawang saksak sa dibdib ang tinamo ng biktima.

Matapos ang pananaksak ay tumakas ang suspek habang isinugod naman ang biktima ng kanyang mga kaanak sa pagamutan.

Nang makapanayam naman ng mga imbestigador ang biktima sa emergency room ng pagamutan,  sinabi nito  na ang suspek ay dating asawa ng kanyang live-in partner.

Dati na umano silang may alitan ng suspek dahil sa kasong kriminal na isinampa niya laban dito, ngunit hindi naman na tinukoy ang pinag-ugatan ng naturang kaso.

Tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek upang panagutin sa krimen.

 

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment