LALAKI NAGPAMASAHE, NAKATULOG, NINAKAWAN NG MASAHISTA

arrest

(NI JULIE DUIGAN)

BINITBIT ng mga operatiba ang isang  40-anyos na umano’y massage therapist na may modus umanong patulugin ang kliyente gamit ang essential oil na hinihinalang may pampatulog  bago umano nito pagnakawan  ng mahahalagang gamit at pera, Luneta sa Rizal Park, Ermita, Manila iniulat ng pulisya.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng District Police Intelligence Operation Unit ng Manila Police District- ang suspek na nakilalang si Evelyn Gabucan, na nagpakilala din sa mga alyas na “Sandra Abanda Y Torres”, Brion Midland Y Wetter, Linda De Guzman Y Solis, at Liza Santos Y Sapanta, 40 anyos, residente ng Block 3 Lot 9 Zenna,  Cavite at may addreess din sa lungsod ng Quezon.

Ang suspek ay nahaharap sa  mga kasong paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code o Theft,  Art. 178  ng RPC o  Using Fictitious Name and Concealing True Name at Art. 172 section 1 ng RPC o Falsification of Document.

Batay sa report ng pulisya, bandang alas-3:00 ng madaling araw, nitong Biyernes  nang madakip ang suspek sa panulukan ng R Salas  at Roxas Blvd., sa Service Road, sakop ng  Ermita , habang nagmamaneho ng kaniyang motorsiklo.

Narekober sa kanya ang isang sling bag Lacoste  na naglalaman ng P10, 000.00 cash, relos na G- Shock (P5,000) at Iphone XR (P65, 000.00) na ninakaw niya sa biktima na si Marcos Santos, 33, residente ng  10th Ave., Grace Park,  Caloocan City.

Nabatid kay Santos , bandang alas-2:00 ng madaling araw nang magising ito at nawawala na ang kanyang sling bag at ang suspek sa Rizal Park, kung saan siya nagpamasahe.

Habang naglalakad umano ang suspek sa parke nang alukin siya ng suspek ng masahe at nakipagkuwentuhan pa sa kanya hanggang sa naging palagay na ang loob niya.

Sinabihan siya na P200 lamang ang babayaran kaya pumayag siya at umupo na sa dalang upuan ng suspek at sinabihan siya na tanggalin sa katawan ang bag at ilagay sa ilalim ng inuupuan hanggang sa makatulog dahil mahusay umano ang pagmamasahe at nakaka-antok ang ginamit na essential oil.

Nang magising ay saka nadiskubre na naglaho na ang suspek kaya mabilis na hinanap sa paligid at inireport sa MPD-DPIOU.

Agad namang umaksiyon ang mga tauhan ng DPIOU at nakita ang suspek base sa paglalarawan ng biktima kaya nabawi ang bag ng biktima subalit ang pera ay P2,000 na lang ang narekober.

Sa beripikasyon, may mga nakahain pang reklamo laban sa suspek na tulad din ng complainant, na mga nabiktima ng pagnanakaw gamit ang modus nito.

 

Related posts

Leave a Comment