KRISTONG HUDAS INUTAS

BLOODY GUN

NASAWI ang 54-anyos na tagakuha ng taya o “Kristo” sa sabungan na umano ay sangkot sa pandaraya sa mga sabungero at ipinagkakanulo maging mga sariling amo matapos pagbabarilin sa garahe ng sabungan sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Alexander Francisco, ng 36 S. Pascual Beacum, Brgy. San Agustin habang tumalilis patungong Obando, Bulacan ang hindi pa nakilalang gunman na lulan ng motorsiklong minamaneho ng kanyang kasabwat.

Ayon sa pulisya, naglalakad si Francisco sa garahe ng Dampalit Cockpit Arena dakong alas-6:25 ng gabi nang lapitan at pagbabarilin ng salarin.

Dagdag pa ng pulisya, bilang Kristo ay tinatandaan lamang ni Francisco ang taya ng mga sabungero na umaabot ng libo-libong piso at hindi lang umano minsang inireklamo ito ng pandaraya sa mga nananalo at pagkaraan ay nagtatago ng ilang linggo o buwan.

Napag-alamang nagtrabaho rin bilang trainer ng mga manok na panabong si Francisco para sa “malalaking” sabungero na dinugas din umano nito.

Sinasabi umano ni Francisco na nasa kondisyon at hustong timbang na ang mga manok na ipinagkatiwala sa kanya kahit hindi totoo kaya kapag inilaban ay milyon-milyon ang natatalo sa kanyang mga amo. (ALAIN AJERO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment