KOTSE NG KOREANO KINARNAP NG DRIVER; 2 HULI

(NI ROSE PULGAR)

ARESTADO ang dalawang propesyunal na swindler sa isang entrapment operation na isinagawang ng mga tauhan ng Paranaque City Police matapos tangkaing ipatubos sa isang negosyanteng Korean national ang kanyang kinarnap na kotse Huwebes ng hapon sa naturang lungsod.

Kinilala ni Police Col Robin Sarmiento, hepe  ng Paranaque City Police ang dalawang nadakip na sina Analiza Gayamo, 49, isang real estate broker at Ruperto Liquiran, alyas Feng, 49.

Pinaghananap naman ang isa pa nilang kasabwat na nakilala lamang sa alyas na “Erwin”.

Batay sa salaysay ng biktimang si Sungsu Kim, 48, nabigo ang kanyang driver na si alyas “Erwin” na ibalik sa kanyang parking space sa City of Dreams sa Paranaque City ang kaniyang Ford Everest SUV noong Nobyembre 5.

Hindi na niya makontak si “Erwin” hanggang nitong Nobyembre 7 dakong alas-11:00 ng umaga nang tumawag sa kaniya ang mga suspect at nanghingi ng halagang P350,000 para maisauli sa kaniya ang sasakyan.

Dahil dito, nagtungo at nagreklamo ang biktima sa PNP Maritime Group na nag-refer sa kaso sa Anti-Carnapping Unit ng Paranaque City Police.

Dito nagplano ang pulisya ng entrapment operation saka nakipagkasundo si Sungsu na makipagkita sa mga suspect.

Bandang alas-3:30 ng hapon nitong Huwebes nang magkita ang biktima at mga suspect sa harap ng isang fastfood restaurant sa may Macapagal Avenue sa Barangay Tambo, nang nasabing lungsod.

Matapos na tanggapin ng mga suspect ang marked money sa mga suspect, dito na sumulpot ang iba pang mga pulis at inaresto ang dalawa.

Bigo naman ang mga pulis na marekober ang behikulo ng biktima ngunit patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon at operasyon upang madakip ang tsuper ng biktima.

Sasampahan ng kasong robbery extortion ang mga nadakip na suspect sa Paranaque Prosecutor’s Office.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment