KELOT TUMALON SA CONDO, DEDO

SUICIDE IN CAMPUS

PATAY ang isang hindi kilalang lalaki makaraan umanong tumalon mula sa ika-8 palapag ng isang condominium tower sa Malate, Manila nitong Miyerkoles ng gabi.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktimang inilarawang nasa pagitan ng 20 hanggang 30-anyos, may tattoo sa likod at may taas na  5’6” hanggang 5’7″.

Base  sa ulat na isinumite nina Det. Charles John Duran at Det. Johnsen San Pedro kay P/Capt. Henry Navarro, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bandang alas-10:15 ng gabi nang mangyari ang insidente sa isang condominium tower sa panulukan ng Roxas Boulevard at  P. Ocampo St. sa Malate.

Nakarinig umano ang isang Rogina Rapadas, treasurer of the board ng naturang condominium tower, ng sigaw ng isang babae mula sa labas ng kanilang unit.

Nang alamin niya ang pinagmulan ng sigaw ay nadiskubre ang biktimang duguan at padapang nakahandusay sa entrance pool side ng ikaapat na palapag ng gusali.

Agad umano nilang ipinagbigay-alam ang insidente sa security guard ng gusali at itinawag sa mga tauhan ng Roxas Boulevard Police Community Precinct (PCP) upang maimbestigahan.

Lumilitaw sa imbestigasyon na tumalon ang biktima mula sa Room 8-I sa ikawalong palapag ng gusali at bumagsak sa ikaapat na palapag ngunit hindi pa batid ang motibo nito sa pagtalon.

Nabasag ang bahagi ng mukha ng biktimang agad na binawian ng buhay sa insidente.

Hindi pa mabatid kung naninirahan sa condo ang biktima o dumayo lamang sa lugar. (RENE CRISOSTOMO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment