KAINUMAN SINAKSAK SA LEEG, ITINAGO SA BASEMENT; SUSPEK SUMUKO

(NI RENE CRISOSTOMO)

MATAPOS patayin ang kainuman dahil sa pambu-bully, nakonsensiya at sumuko sa pulisya ang isang electrician at itinuro ang pinagtaguan sa bangkay sa basement ng isang eskuwelahan sa Maynila.

Noong Disyembre 24, nag-iinuman ang suspek na si Zaldy Gabelo, 47, ng Gate 10, Area-B, Parola Compound at biktima na si Kin alyas “Luther”, nasa 30 hanggang 35 anyos , pansamantalang nanuluyan sa barracks ng mga empleyado ng Dr. Celedonio A. Salvador Elementary School sa Merced St., sa  Paco.

Sa gitna ng inuman ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa at nanakot pa umano ang biktima na siga at kinatatakutan ito sa kanilang lugar.

Dahil dito, sinabi ng suspek na inunahan lamang niya ang pagbabanta ng biktima kaya’t inundayan niya ito ng saksak.

Sa takot, nagpasiya ang suspek na itago sa basement ng eskuwelahan ang duguang bangkay.

Gayunman, makalipas ang ilang araw ay hindi na napapakali ang suspek at hindi na rin napagkakatulog dahilan para kusang sumuko sa awtoridad at isuko rin ang ginamit na patalim.

Dahil sa pagbubulgar,natuklasan ng mga tauhan ng Manila Police District-homicide section, sa basement ang duguang bangkay ng biktima.

Batay sa ulat na isinumite ni Det. Roderick Magpale kay MPD-Homicide Section chief, P/Captain Henry Navarro, bandang alas-5:45 ng hapon nitong Disyembre 24, nang maganap ang krimen sa loob ng campus ng nasabing paaralan.

“Sir may nasaksak ako,” ayon sa suspek habang isinuko din ang patalim na ginamit sa krimen.

Piinuntahan naman ang  tinukoy na lugar kung saan nasa erya na rin ang mga tauhan ng Paz Police Community Precinct (PCP) na katulong  ni Det. Magpale ,na siyang may hawak ng kaso at dito nadiskubre ang biktima sa  basement.

Nagtamo ng isang  saksak sa leeg si Kin.

Related posts

Leave a Comment