ISANG LINGGONG LIBRENG SAKAY SA LRT2 SA MGA BETERANO

bataan121

(NI KEVIN COLLANTES)

MAY magandang balita ang Light Rail Transit Authority (LRTA) para sa mga beterano.

Ito’y dahil pagkakalooban sila ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ng libreng sakay sa loob ng isang linggo.

Batay sa inilabas na advisory ng LRTA, nabatid na ang libreng sakay ay bilang pagkilala sa kontribusyon ng mga beterano at pakikiisa sa paggunita sa Philippine Veterans Week.

Unlimited ang libreng sakay dahil maaari itong i-avail ng mga beterano at isang personal companion nito, mula ng 4:30 ng madaling araw o sa pag-uumpisa pa lang ng biyahe ng mga tren hanggang sa huling biyahe nito, dakong 10:30 ng gabi, sa loob ng isang linggo, o mula Abril 5 hanggang Abril 11.

Ayon sa LRT-2, kinakailangan lamang ng mga beterano na magprisinta ng valid ID mula sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) para ma-avail ang libreng sakay.

“FREE RIDE: In observance of the Philippine Veterans Week and the Araw ng Kagitingan, veterans may avail of unlimited FREE LRT-2 RIDES at any time between 4:30 a.m. until the last commercial train trip on the dates indicated below. Salute!” bahagi ng abiso ng LRTA.

Ang LRT-2 ang siyang nag-uugnay sa Claro M. Recto Avenue, Maynila at Santolan sa Pasig City.

Ang Abril 9, Araw ng Kagitingan, na natapat sa araw ng Martes, ay isang regular holiday sa Pilipinas upang gunitain ang kabayanihan ng mga sundalong Filipino na nakipaglaban noong panahon ng World War II.

 

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment