HOLDAPER NA TANDEM PATAY SA PASIG ENCOUNTER

(NI KEVIN COLLANTES)

PATAY ang isa sa dalawang lalaking umano’y holdaper na riding-in-tandem nang mabaril ng mga rumespondeng awtoridad sa isang engkwentro, matapos nilang holdapin ang isang call center agent sa Barangay Manggahan, Pasig City, Sabado ng madaling araw.

Dead on arrival sa Pasig Doctors Hospital ang di kilalang suspek dahil sa mga tama ng bala sa katawan, habang nakatakas naman ang kanyang hindi pa rin nakilalang kasabwat.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Pasig City Police, nabatid na dakong 2:20 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Amang Rodriguez Avenue, sa Barangay Manggahan.

Nauna rito, naglalakad umano sa lugar ang biktimang si Ritchell Pontillano, 30, isang call center agent, kasama ang kanyang dalawang anak na lalaki, nang bigla na lang silang hintuan ng mga suspek, na magkaangkas sa isang motorsiklo.

Tinutukan umano ng baril ng mga suspek ang mag-iina at saka nagdeklara ng holdap.

Hindi naman nasiraan ng loob ang biktima at kaagad na nagsisigaw at humingi ng tulong sa mga nagdaraang motorista.

Nataranta naman ang mga suspek kaya’t mabilis nang tumakas ang mga ito habang nagtungo ang mag-iina sa tanggapan ng Police Community Precinct 7 (PCP7) at nagsumbong sa mga pulis.

Hinabol ng mga awtoridad ang tumatakas na mga suspek ngunit sa halip na sumuko ay nanlaban ang mga suspek na nauwi sa palitan ng putok, hanggang sa tamaan ng mga awtoridad ang suspek na nagmamaneho ng motosiklo kaya’t sumemplang ang mga ito.

Mabilis namang kumaripas ng takbo at nakatakas ang kanyang backrider habang isinugod ng mga pulis sa pagamutan ang suspek ngunit binawian rin ng buhay.

Narekober ng mga awtoridad mula sa crime scene ang isang hindi pa batid na kalibre ng baril, isang fired cartridge at isang unit ng SYM motorcycle na may plakang 5655 UF.

Tinutugis naman ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment