GRUPO NG CHINESE KFR ARESTADO SA ENTRAPMENT

arrested12

(NI KOI HIPOLITO)

NASAKOTE ng mga operatiba ng Las Pinas City Police Station ang anim na Chinese nationals na mga miyembro umano ng kidnap for ransom syndicate na bumibiktima ng kanilang mga kababayan at dalawang Filipino noong madaling-araw ng Lingo sa magkasunod na entrapment operation sa  Circuit Plaza, Ayala Avenue sa lungsod ng Makati at Sta. Ana, Maynila.

Nakilala ang mga inarestong mga suspek na sina Li Wei, 29, Ruan Hu Bin, 29, Chen Sing, 29, Weng Peng Chao,  29 at sina Lao Xie at Li Hui Sie habang kinilala naman ang tatlong biktima na sina Zhou Yang, Sengxiao Ling at ang nakatakas at nakapagsumbong sa pulisya na si Ou Shen.

Ayon sa ipinadalang report ni Las Piñas City Chief of Police P/Col. Simnar Gran kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Eliseo DC. Cruz, dumulog umano sa kanilang tanggapan si Ou Shen noong umaga ng Sabado at ikinuwento nito na habang naglalakad silang tatlong magkakaibigan sa kahabaan ng Verdant Avenue, Pamplona 3, Las Piñas ay hinintuan umano sila ng isang Toyota van (AIA 2234) na may sakay na hindi bababa sa 10 katao at sapilitan silang isinakay sa loob ng sasakyan subalit nagawang makawala ni Ou Shen at inireport sa kanyang amo ang nangyaring pagdukot.

Mabilis na inutusan ni Col. Gran si P/Maj. Alabastro at P/Maj. Gran para maglatag ng entrapment operation laban sa mga suspek na humihingi ng P200,000 subalit napakiusapan ang mga ito sa halagang P150,000 at napagkasunduan na magkikita sa lugar sa Makati.

Nasakote ang limang suspek matapos tanggapin ang marked money sa loob ng sasakyan at bahagyang nagkaroon ng komosyon nang makatawag pansin sa mga guwardya sa lugar.

Iitinuro naman ng mga suspect ang tinutuluyang lugar ng limang iba pang mga kasama sa River Green Center, Pedro Gil, Sta. Ana sa  Maynila kaya’t muling naglatag ng panibagong operasyon na nagresulta ng pagdakip kay Lao Xie na pinaniniwalaang nagtimbre sa iba pang mga nakatakas na suspek kasamang inaresto sina Marvin Villas, 38  at isang Lolito Angeles, 40, driver, ng ginamit na get away van at inaalam na rin ang kanilang naging partisipasyon sa krimen.

Pansamantalang nakakulong ngayon ang anim na suspek sa Las Piñas Custodial Facility at sasampahan ng kaso sa piskalya habang nagpapatuloy ang manhunt operation laban sa iba pang mga sangkot sa pagdukot sa mga biktima.

 

 

Related posts

Leave a Comment