EX-ACTRESS DEBORAH SUN, ANAK, 2 PA HULI SA DROGA  

(NI LILY REYES/PHOTO BY JACOB REYES)

HULI sa buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD)  ang  dating aktres na si Deborah Sun at anak nito, kasama ang dalawa pa, Linggo ng madaling araw, sa Brgy. E. Rodriguez, Quezon City.

Nakapiit sa Police Station 8 ng QCPD  ang aktres na si  Jean Louise Salvador,  lalong kilala sa pangalang Deborah Sun, 60, ang anak nitong si  Angela Salvador, 45, Gonzalo Gonzales, 49,  at Gerald de Guzman, 53, kapwa mga nakatira sa  Unit 803 Royal Mansion Mont Real St., Brgy. E. Rodriguez, Quezon City.

Ayon kay  QCPD-PS-8 Commander, P/Lt. Col. Jeffrey Bilaro, nakatanggap umano sila ng impormasyon na ang mga suspek ay  may  ginagawang iligal sa nasabing unit kung kaya agad sila nakipag-coordinate sa  PDEA-NCR  at agad na ikinasa ang buy bust operation.

Nang matiyak na nasa loob na ng nasabing unit ang mga suspek ay  agad  na isinagawa ang buy bust operation kung saan ay  naaktuhan ang  suspek na  si De Guzman na nakikipag-abutan ng droga sa poseur buyer  na nagresulta ng pagkakaaresto sa mga  suspek.

Nakumpiska  mula  sa mga suspek ang humigit sa isang gramo ng shabu na tinatayang nasa P6,800  at ang  P1,000 marked money.

Sinampahan ng mga kasong  Violation Of Sec.  11 and 12 ang apat na suspek  na bukod sa Sec. 11 and 12 ay may kasama pang Sec. 5 ang suspek na si De Guzman.

 

Related posts

Leave a Comment