DUELO SA TONDO: 1 PATAY, 1 SUGATAN

(NI HARVEY PEREZ)

NASAWI ang isa habang sugatan naman ang tiyuhin ng suspek makaraang mauwi sa duelo ang  matagal nang alitan ng magkapitbahay, Lunes ng umaga sa  Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ni  PSg Roderick Magpale, ng Manila Police District-homicide section, ang biktima ay nakilalang si  Rommel Reyes, 40, ng 805 Coral Street, Tondo, na nasawi dahil sa tama ng bala sa ulo habang sumuko naman ang suspek na si Joel Mural, 33, ng 801 Coral Street, Tondo.

Habang nasugatan naman ang tiyuhin ng suspek na si Elmo Mural, 55, sa  kanang palad makaraang tamaan ng ligaw na bala, habang tinatangkang awatin ang dalawa.

Nalaman na  ang insidente  ay naganap dakong alas-8:50 ng umaga sa  tabi ng Ilog sa Pilapil Street, sa Tondo.

Nabatid na matagal na umanong may alitan sina Rommel at Joel at nang mag-krus ang landas ng mga ito, na kapwa armado ng baril, ay nagkagirian na  ang mga ito.

Una umanong binaril ng  biktima ang suspek pero  hindi pumutok ang kanyang baril kaya  nang gumanti ang suspek ay tinamaan siya sa dibdib.

Sa kabila na bumagsak na ang biktima nilapitan pa ito ng suspek at  pinaputukan sa ulo, na nagresulta ng kanyang kamatayan .

Naaresto naman ang suspek matapos na pakiusapan ng kanyang ina na barangay Kagawad na sumuko na sa mga pulis na nagresponde.

 

 

Related posts

Leave a Comment