DRIVER LUMUWA ANG BITUKA SA SAKSAK; ISINIKSIK SA LIKOD NG TAXI

stab100

(NI CHERCK BALAGTAS)

ISA na namang taxi driver na tadtad ng saksak ang natagpuang patay sa back seat ng pinapasadang taxi sa Lungsod ng Caloocan, Miyerkoles ng madaling araw.

Sa ulat ni Caloocan police deputy chief for administration P/Lt. Col. Ferdie Del Rosario, kinilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang driver’s license na si Pablo Damot, Jr. ng Bocaue, Bulacan.

Nadiskubre siya ng isang streetsweeper na si Clarita Castro, 59, ganap na alas- 4:30 ng madaling araw sa kahabaan ng C-4 Road, Barangay 8, ng nasabing lungsod.

Ayon sa nakasaksi, napansin na lamang umano niya na nakasindi ang head at tail lights ng sasakyan na nakaparke sa nasabing lugar kung saan siya naglilinis.

Nang lapitan ay doon na niya nadiskubre ang wala nang buhay na biktima na naliligo sa sariling dugo sa likurang bahagi ng passenger’s seat.

Agad niyang ipinagbigay-alam sa kanilang barangay ang insidente.

“Lumuwa na ang bituka ng biktima dahil sa dami ng tama ng saksak, posibleng nanlaban dahil may tama rin ng saksak ang mga kamay, ” ayon sa mga tauhan ng barangay.

Posible umanong mga holdaper ang nasa likod ng krimen na nagpanggap na pasahero ngunit nanlaban ang biktima kaya nila ito pinatay.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment