DALAGITA MINOLESTIYA, DRIVER SWAK SA SELDA

MINOLESTIYA

SWAK sa kulungan ang isang umano’y manyakis na driver na lango sa alak makaraang dakmain ang dibdib ng isang dalagita sa harap ng mga nakababatang kapatid sa Valenzuela City, noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Edgardo Barasi, 59, driver ng pampasaherong jeep, residente ng San Dieto St., Lingahan, Malanday, nahaharap sa kasong acts of lasciviousness at unjust vexation.

Ayon sa ulat ng biktima, naglalakad pauwi ang biktimang itinago sa pangalang “Klaudia,” 18,  kasama ang mga kapatid dakong alas-7:00 ng gabi sa kahabaan ng A. Marcelo St., Dalandanan, nang salubungin sila nang sumusuray na suspek.

Nagulat na lamang umano ang dalagita nang biglang dakmain ng suspek ang kanyang dibdib.

Bunsod nito, nagkukumahog na inilayo ni Klaudia ang mga kapatid at nang siya ay lumingon ay nakita niya ang nakangising si Barasi kaya napatakbo ang biktima at nagsumbong sa kanilang mga magulang.

Makaraang magsumbong sa mga tanod ay hinuli ng mga awtoridad ang suspek at binitbit patungo sa Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 6.

Nang isalilalim sa medical examination sa Valenzuela Emergency Hospital si Barasi ay nagpositibo siya sa pag-inom ng alak.

Pagkaraan ay dinala ang suspek sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD) sa headquartres ng Valenzuela City Police. (ALAIN AJERO)

Related posts

Leave a Comment