CONSULTANT NAHULOG MULA 9TH FLR NG CONDO

crime12

(NI FRED SALCEDO)

PALAISIPAN pa rin sa mga pulis kung tumalon o nahulog ang isang consultant ng isang kompanya, sa Quezon City.

Ito ang iniimbestigahan ng mga awtoridad makaraang matagpuan ang katawan nito na duguan at lasug-lasog  sa garden ng isang condominium sa Barangay Bagumbayan, Quezon City, Huwebes ng hapon.

Kinilala ni P/Captain Juan B. Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit CIDU, ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima na si Jose Miguel Del Rosario, 56-anyos, consultant ng Kawasaki at residente ng Olympia Heights  Condominium na matatagpuan sa Orchard Road, Eastwood City, Cyber Park , Bagumbayan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-2:30 ng hapon natagpuang duguan at lasug-lasog na katawan ni Del Rosario sa garden sa ground floor ng nasabing condominium.

Una dito ay namataan ang biktima at ang live-in partner niya na nakilalang si Roselle Ann Mae Palma na nagtalo at nauwi sa matinding away sa parking lot ng condominium.

Nilapitan umano ito ng guwardiya upang pag-ayusin.

Bagama’t naawat naman ang pagtatalo ng mag-live-in ay nagdesisyon umano ang babae na umakyat sa 9th floor at tuluy-tuloy na nagtungo sa kanilang silid at inimpake ang kanyang mga damit at kagamitan.

Nabatid na nagpasama pa umano si Palma sa sekyu sa unit at habang palabas ng silid ang babae ay panay naman ang habol ni Del Rosario at pinipigilan itong umalis subalit nagpatuloy pa rin ang una at naiwanang nakatayo sa hallway ang biktima.

Nabatid pa na habang nasa loob ng elevator si Palma ay nakatanggap ng tawag ang sekyu sa handheld radio na nahulog si Del Rosario mula sa ika-siyam na palapag ng gusali ng condo.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment