CONDO SA PARANAQUE NASUNOG

condofire12

(NI ROSE G. PULGAR/PHOTO BY RAFAEL TABOY)

PATAY ang isang babae habang anim pa ang sugatan kabilang ang isang Chinese national nang masunog ang anim sa 23 palapag ng Pacific Coast Plaza sa Barangay Tambo Paranaque City, Lunes ng umaga.

Kinilala ang nasawi na si Zenaida Uno. Nakita siyang sunog ang katawan sa kanyang balkonahe sa 21st floor.

Base sa report ni Bureau Fire Protection National Capital Region Director Supt Wilfredo Rico Neil Kwan Tiu, agad na naisugod sa mga pagamutan ang mga biktima na nakilalang sina Henry Sablay, 44, Edgardo Dela Cruz, 51, Ely Salabar, 31, Jeremiah  Tee, 27, isang Chinese national na isang alyas Cheng at isang Mr.A., makaraang magtamo ng mga sugat sa paa at hindi nakahinga.

Sa isinagawang imbestigasyon ni Paranaque City Fire Marshal Supt. Robert Pacis, dakong alas- 11:56 ng umaga nang magsimula ang sunog sa ika-21 palapag sa unit 2102 na tinitirhan ng isang nagngangalang Fernando sa nasabing gusali sa Villamar St. Barangay Tambo, nang nasabing lungsod.

Sinabi ni Pacis na mabilis kumalat ang apoy hanggang sa nadamay ang ika-18 hanggang ika-23 palapag ng naturang gusali.

Agad nilang itinaas sa general alarm ang sunog.

Sinabi pa ni Pacis, bukod sa anim na sugatan ay wala pa silang natunton na nasawi na posibleng na-trap sa sunog kaya’t  patuloy pa rin silang nagsasagawa ng paggalugad sa mga palapag na natupok.

Nahirapan ang mga kagawad ng pamatay-sunog na apulain ang apoy dahil masikip ang hallway at exit ng nasabing condominium.

Maraming mga residente sa nasabing gusali ang nahirapan huminga ngunit agad naman nabigyan ng agarang lunas mula sa mga rescuer ng Philippines Red Cross.

Ayon naman sa isang security guard ng condo, umalis umano ang may-ari ng unit kung saan nagsimula ang sunog at hindi pa ito bumabalik.

Patuloy parin binubugahan ng tubig ng mga bumbero ang ilang bahagi ng palapag dahil hindi pa ito totally fire out.

Sa ngayon ay patuloy pa rin nagsasagawa ng imbestigasyon ang BFP sa naging sanhi ng sunog at halaga ng ari-arian na napinsala.

Related posts

Leave a Comment