CARETAKER NG MTPB KULONG SA KOTONG

arrested12

(NI KOI HIPOLITO)

KULUNGAN ang bagsak ng isang caretaker ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos na masakote sa isang entrapment operation na inilatag ng Regional Special Operations Unit (RSOU-NCRPO) nang ipagharap ito ng reklamo ng pangingikil dakong alas-8:15 ng gabi nitong Sabado sa Quezon Boulevard Central Market, Zone 31, Brgy.311, ng Sta. Cruz Manila.

Nakilala ang suspek na si Rolando Toquero, alyas “Roy”, 39, tubong Iligan City, stay-in sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Office at ang sinasabing may ari ng RWM Towing Services na nakilala lamang sa pangalang Romy Maniquez na kasabwat umano ng suspek.

Ayon sa report ni RSOU Chief P/Lt. Col. Rogarth Campo kay NCRPO Chief P/MGen. Guillermo Eleazar, nag ugat ang pagkakaresto sa suspek nang ipagharap ito ng reklamo ni Teodorico Gervacio, may-ari ng isang Isuzu ten wheeler truck na sinita at hinuli ng isang traffic enforcer ng MTPB.

Lumabas sa ginawang imbestigasyon na noong June 14, habang lulan ng nasabing truck ang driver na si Jhuren Galvez ay sinita ito ng Traffic Enforcer na si T/E Maloy dahil sa paglabag umano nito sa traffic violation na “passing through the red light and driving without license” kaya’t isang Ordinance Violation Receipt (OVR) na inisyu ng Bacoor Cavite Traffic Management Department na may petsang June 11, 2019 ang kanyang iprinisinta.

Subalit tinuluyan pa rin itong hinuli at hindi inisyuhan ng panibagong OVR o tiket saka dinala sa RWM Towing Services na isang impounding area ang sasakyan at  itinurn-over ang driver sa suspek na si alyas “Roy” bago inutusan na maghanda ng halagang P10,000 para ma-release umano ang minamanehong trak.

Agad naman tinawagan ni Galvez ang kanyang amo na si Gervacio na nakipagnegosasyon sa suspek para maibigay ang halagang hinihingi nito dahil sa takot na hindi mabawi ang kanyang sasakyan ngunit nagpadagdag pa umano ng halagang P200.00 para sa storage fee kada araw na itinagal ng sasakyan ang suspek hanggang sa napakiusapan na ibaba ang hinihinging halaga sa P8,500.00 subalit lingid sa kaalaman ng suspek ay nagsumbong na pala sa tanggapan ng RSOU-NCRPO  ang biktima at nang maiabot ang napagkasunduang halaga ay inaresto na ang suspek ng mga nagpakilalang mga pulis.

Mahaharap ngayon sa mga kasong Robbery (Extortion) with intimidation at RA 6539 as amended by RA 10883 (New Anti-Carnapping Act.of 2016) sa City of Manila Prosecutors Office ang suspek kabilang ang may-ari ng towing services at ang traffic enforcer na nakipagsabwatan umano sa modus operandi ng suspek.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment