BIR EXEC NILOOBAN NG ‘GAPOS GANG’

(NI TJ DELOS REYES)

PATULOY na nagsasagawa ng follow-up operation ang Quezon City Police District (QCPD) sa limang armadong kalalakihan na nanloob sa tahanan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) executive at Iginapos ang kanyang mister, anak, at kasambahay, Miyerkoles  ng gabi sa nasabing lungsod.

Kinilala ang mga biktima na sina Franco Oqueseña Iglesias, 59,  businessman,  misis niyang si Gilda Balmeo Iglesias,  55,  Assistant Division Chief (Large Tax Payer Division), anak na si  Donn  Jericho, 21, at kasambahay na si Jessa Espana Mae, 20, dalaga, tubong  Agusan Del Sur.

Base sa ulat, dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahay ng mga biktima Brgy. West Kamias.

Lumalabas na kadarating lamang umano ng mag-asawang Iglesias sa kanilang tahanan sakay ng kulay itim na Toyota Fortuner (PQM-418) at ipinarada sa loob ng kanilang garahe.

Sinasabi na isasara na ng kasambahay ang gate nang biglang sumulpot ang limang kalalakihan na pawang armado ng baril at itinulak papasok ng bahay ang housemaid.

Mabilis na iginapos ng duck tape ang kasambahay at ang opisyal ng BIR maging ang mister at anak nito saka nag-ikot ng bahay ang mga suspek at tinangay ang P 125,000.00 cash, mga mamahaling alahas, cellular phones at gadgets.

Makaraan na malimas ang mga mahahalagang gamit ay tumakas ang mga suspek gamit ang sasakyan ng mga biktima at isinama pa ang negosyanteng si Franco na nakatali rin ang magkabilang kamay sa loob ng Toyota saka inabandona sa harapan ng  No. 168 RB Mansion E Rodriguez Brgy. Bagumbayan ng nasabing lungsod.

Nang makaalis ang mga suspek ay nagawang makalabas ng sasakyan si Franco at humingi ng tulong sa  security guard ng mansion na nakilalang si Reynante Fajarito na siya namang nag-report sa pulisya.

Agad namang inimbitahan ng pulisya ang BIR official at inilarawan nito ang dalawa sa limang suspek na nanloob sa kanilang tahanan na ngayon ay subject ng manhunt operation ng kapulisan.

 

Related posts

Leave a Comment