BGY KAGAWAD SA NAGA CITY, INAMBUS SA MAKATI

crimebaril1

(NI LYSSA VILLAROMAN)

ISANG barangay kagawad ang nasawi matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspect na riding in tandem  sa Makati City nitong Lunes ng gabi.

Dakong alas-9:00 ng gabi nang bawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Saint Claire Hospital ang biktimang si Fortune Isaac Imperial, kagawad ng Brgy. Tinago, Naga City na nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan .

Sa imbestigasyon nina Police Chief Master Sgt. Rico Caramat at  Police Corporal John Robert Baligod, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City Police, naganap ang insidente alas-11:00 ng gabi sa Finlandia St., Brgy. San Isidro ng nabanggit na lungsod.

Kasama ng biktima sina Crayon Shearffer Ong  at Jophesus Anthony Navarro na sakay ng  kulay itim na Mirage G4 na may conduction sticker B3Y284 at nasa tabi  ng driver ang biktima.

Habang binabagtas nila ang naturang lugar ay biglang sumulpot ang isang motorsiklong walang plaka na magkaangkas ang dalawang kalalakihan.

Isa sa mga suspect ang bumunot ng baril hanggang sa pinutukan ang nasabing sasakyan at  tinamaan ang biktima.

Kaagad na isinugod ang biktima ng kanyang dalawang kasamahan ospital ngunit nasawi ito habang nilalapatan ng lunas.

May impormasyon na ang biktima umano ay nagkaroon ng kaso na may kinalaman sa droga na na-dismiss.

Inaalam pa kung may kaugnayan ang pagbasura sa kaso ng biktima at sa ambush na naganap.

Related posts

Leave a Comment