BEAUTY SALON HINOLDAP, PERA NG CUSTOMERS NILIMAS

(NI NICK ECHEVARRIA)

SINIMOT ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang pera at mga gamit ng pitong customers ng isang beauty salon na kanilang hinoldap sa Marikina City, Sabado ng hapon.

Naganap ang insidente sa GAB Pigmentation Beauty Salon sa 2nd Floor ng MEC Bldg. 2, Pitpitan St., Brgy. San Roque ng nasabing lungsod.

Ayon sa Marikina City Police Station (CPS), bandang ala-1:00 ng hapon nang pasukin ng dalawang armadong suspek ang nasabing salon, sabay tutok ng baril sa receptionist at sa pitong babaeng customers nito.

Kinilala ang mga biktima na sina Angela Amor Pucan, 19, receptionist na natangayan ng kanyang cellphone at P25,000 na kita ng salon; Aileen Felongco, 38,  nakuhanan din ng cellphone na nagkakahalaga ng P19,000 at P5,000 cash; tinatayang P5,000 din ang natangay kay Jacalme Rosario,46, radio technologist.

Tig-P3,000 cash naman ang nakuha kina Helda Masiclat, 48, at Sharon Bueno, 50, habang tinatayang P5,000 cash naman ang natangay kay Elsie Villapando, 55 government employee, samantalang P1,700 naman mula kay Maricel Sadian, 39, seafarer.

Nasa P40,000 na cash at isang cellphone na nagkakahalaga ng P49,000, mga credit cards at ATM ang natangay naman mula sa customer na si Myrna Santos, operation supervisor.

Hindi rin pinatawad ng dalawang suspek ang biktimang si Clifford Tuesca, 26, customer ng

Bakasyunista Travel Agency, na nakasalubong ng mga ito sa hallway at natangayan din ng cellphone.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek na nakuhanan ng CCTV habang papatakas sakay ng isang motorsiklo.

Related posts

Leave a Comment