BAHAY NG EX-COP VS KIDNAP NI-RAID:  P1.3-M CASH, ARMAS NAKUHA

(NI DAVE MEDINA)

NAKAKUMPISKA ang mga awtoridad ng P1.3 milyong halaga ng pera at ilang armas sa bahay ng isang dating pulis na umano’y sangkot sa kaso ng kidnapping sa limang Chinese national sa Las Piñas City.

Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng mga tauhan ng Las Piñas City Police at Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang bahay ni dating Staff Sgt. Magdaleno Fernandez Pacia Jr. at live-in partner nitong si Andrelyn Gayumali Naldoza sa Barangay Pulang Lupa Uno alas 5:00 ng madaling-araw ng Biyernes.  Naaresto si Naldoza  sa kanilang bahay sa Pulang Lupa Uno ngunit wala si Pacia nang magsagawa ng operasyon ang pulisya.

Maliban sa pera, nakuha rin sa tinitirhang bahay ni Naldoza ang 9mm pistol,  dalawang kalibre .45 na baril, ilang bala para sa iba’t ibang uri ng baril,  granada at ilang cellphone.

Kasamang nasamsam ang police uniform ni Pacia na may name plate, bull cap at mga badge na may logo pa ng National Bureau of Investigaton (NBI).

Nakuha rin sa bahay ang 30 piraso ng credit card , 150 card ng Visa at pitong identification card na may pangalang Angel Vertucio.

Dating nakatalaga si Pacia sa Southern Police District (SPD) pero nasibak sa puwesto noong April 2018 dahil sa kasong pagnanakaw at illegal possession of explosives.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment