APLIKANTE MINOLESTIYA NG POLYGRAPH EXAMINER

MINOLESTIYA

NAHAHARAP sa kasong paglabag sa Article 336 ng Revised Penal Code o acts of lasciviousness ang isang 54-anyos na polygraph examiner makaraang isuplong sa Manila Police District (MPD) ng isang 20-anyos na aplikante na umano’y pinaghahalikan at niyapos nang isalang ang biktima sa lie detector test sa Ermita, Manila, noong Martes.

Kinilala ang suspek na si Marcus Antonious y Gella, may asawa at residente ng 49-A Lorraine St., Park Way Village, Barangay Apolonio Samson, Quezon City.

Base sa ulat ni P/Staff Sergeant Emmalyn Munoz, ng Women and Children Protection Unit ng Manila Police District-Headquarters, bandang 1:15 ng hapon nitong Enero 21 nang mangyari ang pang-aabusong sekswal sa biktimang kinilalang si alyas “Hanna” ng Valenzuela City, sa loob ng polygraph room ng Simon Agriventures Corporation sa Romualdez St., sa Ermita.

Kabilang umano ang biktima sa mga aplikante sa nasabing kompanya at kasama sa requirements ang pagdaan sa lie detector test kaya silang dalawa lang ng suspek sa isang silid para sa nasabing eksaminasyon.

Habang pinaliliwanagan ang biktima sa resulta ng polygraph test ay ibinigay umano ng suspek  ang kanyang mobile phone number at hiningi rin ang number ng dalaga.

Pinipilit umano ng suspek na maging magkarelasyon sila at  nang hindi nakatiis sa panggigigil ay agad hinalikan sa pisngi at niyapos ang biktima.

Nagpumiglas ang biktima hanggang sa makawala at  humingi ng tulong sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng MPD.

Bandang 4:15 ng hapon ng araw ding iyon ay inaresto ang suspek sa nasabing tanggapan sa pakikipag-ugnayan sa HR Recruitment Officer na si Diana Mondero.

Isa umanong freelance polygraph examiner ang suspek na kinuha lang ng kompanya ang serbisyo para sa mga aplikante. (RENE CRISOSTOMO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment