AMOK: 1 PATAY; LIVE-IN PARTNER, 3 KAANAK SUGATAN

stab20

(NI KEVIN COLLANTES)

ISANG vendor ang arestado matapos na mag-amok at pagsasaksakin ang kanyang live-in partner at tatlong kaanak nito, sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Barangay Malanday, Marikina  City, Miyerkoles ng umaga.

Patay ang isa sa mga biktima na si Alvin Siasat, 53; habang sugatan naman ang kanyang mga kaanak na sina Edwin Carlos, 58; Merlina Carlos, 55; at Arianne Kimberly Carlos, 30.

Samantala, naaresto naman ng mga rumespondeng awtoridad ang suspek na si Peter Jovannie  de Leon, 31, live-in partner ni Arianne Kimberly.

Batay sa ulat ni Marikina City Police chief, P/Senior Supt. Roger Quesada, kay Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Bernabe Balba, dakong 11:40 ng umaga nang maganap ang krimen sa loob ng tahanan ng mga biktima, sa #1 Lucia Street, Sta. Teresita Vil. Lamuan, sa Barangay Malanday.

Sa imbestigasyon, nabatid na bago ang krimen ay nagluluto ng tanghalian si Merlina sa kusina nang lapitan ng suspek at walang sabi-sabing binuhusan ng mainit na tubig na nasa kaserola.

Hindi pa nasiyahan, kumuha ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak si Merlina.

Nakita naman nina Alvin, Edwin at Arianne Kimberly, ang insidente kaya’t tinangka nilang awatin ang suspek.

Sa halip namang magpaawat, sila naman ang binalingan nito at sunud-sunod ring inundayan ng saksak.

Kahit sugatan, nagawa ng mga biktima na lumabas ng bahay at nanghingi ng tulong sa kapitbahay.

Mabuti na lamang at papadaan sa lugar ang isang personnel ng City Veterinary office kaya’t kaagad na tumawag sa Marikina Rescue 161 at inireport ang pangyayari.

Rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct 4 (PCP 4) at Special Weapons and Tactics (SWAT) team ng Marikina City Police, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Isinugod sa pagamutan ang mga biktima, ngunit binawian din ng buhay si Alvin.

Narekober ng mga awtoridad sa crime scene ang isang kutsilyo, isang butcher knife at isang Swiss knife, na pinaniniwalaang siyang ginamit ng suspek sa krimen.

Si de Leon ay nakadetine sa Marikina City Police at sasampahan ng kasong murder at tatlong bilang ng kasong bigong pagpatay.

 

 

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment