ADIK NANUNOG NG BAHAY, 6 PATAY

sunog

LANGO sa ilegal na droga ang sinasabing nanunog ng kanilang inuupahang bahay at nadamay ang ilang kabahayan na ikinamatay ng anim niyang kapitbahay sa Tondo, Manila nitong Huwebes ng madaling araw.

Nakulong sa nasunog nilang bahay ang mga biktimang sina Odessa Conde, 36, tatlo niyang mga anak na sina Yhancy Kieffer, 8; Yara Courtney, 9,  at si Yhexel George Nicolas, 10, gayundin ang pinsan ng ginang na si Jean Paul Esguerra, 42, habang huli na nang matagpuan ang bangkay ni Aquilina Romero Javana, alyas “Jaqueline”, 44-anyos sa loob ng kanilang banyo.

Sugatan naman ang padre de pamilya na si George Conde, 43, na dumanas ng 3rd degree burns katawan at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

Samantala, tinutugis ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Eduardo Lotero na tumakas makaraan ang krimen.

Batay sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection, bandang alas-2:40 ng madaling araw nang mangyari ang sunog sa Narra St. na kumalat hanggang sa Katamanan St. malapit sa panulukan ng Yeseco St. sakop ng Barangay 230 at 222 sa Tondo.

Ayon sa report ng BFP, nag-away umano sa hindi pa batid na dahilan ang mag-asawang Lotero kaya umano sinadyang sunugin ng suspek ang inuupahan nilang bahay at nadamay ang ilan pang kabahayan.

Umabot ng ika-3 alarma ang sunog at ideklarang fire-out ng dakong alas-7:14 ng umaga.

Nagsimula umano ito sa ikalawang palapag ng paupahang bahay na pag-aari ng mag-asawang Encarnacion Lotero.

Bago ang insidente, hinahanap umano ng suspek ang inaaway na misis ngunit nang hindi makita ay sinunog ang paupahang bahay.

Dakong 8: 45 ng umaga nang huling matagpuan ang bangkay ni alyas Jaquelin sa loob ng kanilang banyo. (RENE CRISOSTOMO)

Related posts

Leave a Comment