ADIK NA BASURERO GINUTOM ANG SANGGOL NA ANAK, IPINAKULONG NG KA-LIVE-IN

KALABOSO ang isang kolektor ng basura matapos ireklamo ng kanyang live-in partner na kanyang binantaan na papatayin habang kinukuha ang kanilang anak na ginutom ng una sa loob ng limang oras kaya nagpapalahaw ng iyak sa Pasig City.

Mas nabaon sa kaso ang suspek na si Joseph Baradia, 38, ng Camachile St., Barangay Pinagbuhatan, nang maaktuhan siyang sumisinghot ng shabu ng pulis  mula sa Police Community Precinct (PCP) 8 ng Pasig City Police Station na hiningian ng tulong ng kanyang ka-live-in.

Ayon sa babae, ayaw umanong ibigay ni Baradia  sa kanya ang kanilang anak na bandang alas-11 ng umaga pa lang ay hindi na kumakain.

Ilang beses umano niyang tinangkang kunin ang sanggol subalit pinagbabantaan siya ni Baradia na sasaktan ang bata kapag ipinagpilitan niyang kunin.

Iyak nang iyak ang bata kung kaya’t durog na durog ang pusong ina ng babae dahilan upang madesisyon itong humingi ng tulong sa pulis upang mabawi ang kanyang anak.

Sa pagdating ng mga pulis sa kanilang tinutuluyang bahay, naaktuhan si Baradia na sumisinghot ng shabu bukod pa sa nakumpiska ritong 11 gramo ng ilegal na droga. (NICK ECHAVARRIA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment