6 DRUG PERSONALITIES HULI SA SHABU, MARIJUANA

SHABU-MARIJUANA

ANIM katao na sinasabing sangkot sa operasyon ng droga ang inaresto matapos mahulihan ng P320,000 halaga ng ilegal na droga sa magkahiwala na drug operations sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.

Unang inaresto ng mga rumespondeng pulis ang mga suspek na sina Anthony Justine Ebio, 18; Reynaldo Galves Jr., 37 at Bernie Grande, 36 sa Barangay 155, Bagong Barrio bandang 12:30 ng umaga.

Nabatid na may tumawag na impormante sa pulisya at ipinagbigay alam na may transaksyon ng droga ang tatlong suspek na nakuhanan ng apat na plastic ng shabu na may timbang na 17.82 gramo na may street value na P121,176 at isang bloke ng pinatuyong dahon ng marijuana na may timbang na 250 gramo at market price na P30,000.

Naaresto rin ng mga pulis sina Emrinor Tenorio, 54; Jennifer Bugante, 45 at Victor Barajas, 19, sa isinagawang buy-bust operation sa kanto ng Ilang-ilang St sa Barrio Concepcion sa Barangay 188.

Aktong iniaabot ng mga suspek ang shabu sa isang poseur buyer cop kapalit ng buy bust money na P1,000 nang biglang lagyan ng posas ang mga kamay ng mga ito.

Mabawi mula sa tatlong suspek ang 25 gramo ng shabu na  may street value na P170,000.

Pawang nakapiit ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Alain Ajero)

Related posts

Leave a Comment