4 SA 7 NAKAPUGA, BALIK-PRESO; 1 NAKATAKAS SA ESCORT

huli

(NI KEVIN COLLANTES)

NAIBALIK na ng mga tauhan ng Antipolo City Police sa piitan ang apat sa pitong preso na unang nakatakas matapos na lagariin ang rehas na bakal ng kanilang piitan noong Linggo ng madaling araw, habang isa pang preso ang nakatakas mula sa kanyang police escorts nang tumalon mula sa mobile car habang ibinibiyahe patungo sa presinto, Martes ng gabi.

Kinumpirma ni Antipolo City Police chief, P/Lt.Col. Villaflor Bannawagan na naaresto nang muli ng kanyang mga tauhan ang apat na pugante na sina Edward Magalo, na may kasong illegal drugs; Benedict Belmonte at Russel Martinez, na may kasong robbery at Dominic Gabanez, na may kasong carnapping, sa isinagawa nilang follow-up operations nitong mga nakalipas na araw.

Patuloy pa rin naman aniyang tinutugis ang tatlo pang pugante na sina Adrian Demetrio at Angelo Roberto, na kapwa may kasong paglabag sa Republic Act 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002); gayundin si Murphy Sison, na may kaso ring Robbery.

Ang mga bilanggo nakatakas sa piitan dakong alas-3:30 ng madaling araw noong Linggo, sa pamamagitan nang paglagare sa rehas na bakal ng bilangguan ng Police Community Precinct 2.

Kaagad namang sinibak ni Bannawagan ang hepe ng PCP-2 at ang natakasang duty jail officer habang isinasagawa pa ang imbestigasyon sa insidente.

Samantala, iniulat na rin ng Antipolo City Police, na isa pa ng preso na nakilalang si Marvin Nuñez, ang nakapuga mula sa kanyang police escorts, nang tumalon sa sinasakyang mobile car habang ibinibiyahe pabalik sa piitan matapos na isailalim sa inquest proceedings Martes ng gabi.

Lumilitaw na bago nakatakas ay isinakay umano ng Intel operatives ng PCP-2 sa kanilang mobile si Nuñez, at pitong iba pang preso, at dinala sa piskalya upang isailalim sa inquest proceedings, bago idiniretso sa Antipolo City Police para sa CIRAS requirements ng mga ito.

Gayunman, habang ibinibiyahe na ang mga preso pabalik sa PCP-2 ay bigla na lang umanong tumalon si Nuñez mula sa mobile car, pagsapit sa Sitio Maagay 1 Padilla, sa Barangay Inarawan, at kumaripas ng takbo dakong alas-8:30 ng gabi.

Hinabol ito ng mga police escorts ngunit bigo silang maaresto itong muli.

Naglunsad na ang mga awtoridad ng manhunt operation para madakip muli si Nuñez at maibalik sa piitan.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment