4 KATAO ARESTADO SA ARMAS AT SHABU

DROGA-BARIL

NADAKIP ang apat na kataong pawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga, makaraang mahulihan ng umano’y shabu, pampasabog, baril at bala sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Miyerkoles ng madaling araw sa nasabing lungsod.

Kinilala ni QCPD Director, P/Brig. Gen. Ronnie Montejo ang mga suspek na sina Michael Meneses alyas “Warlito”, 38-anyos,  ng Caloocan City; Marineil Santos alyas “Robert”, 35; Angel Retiro, 18, kapwa ng Malabon City, at Von Edgar Barrientos, 27, ng  Pandacan, Manila.

Base sa ulat, dakong 2:30 ng madaling araw nang ikasa ng mga operatiba  ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Novaliches Police Station (PS-4), sa pangunguna ni P/Lt. Col. Hector Amancia, ang operasyon laban sa apat sa tapat ng Shell Gas Station sa Susano Rd., Novaliches, Quezon City.

Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng shabu at nang magkabutan ay agad naglabasan ang nakakubling mga pulis at dinakip ang mga suspek.

Nakumpiska sa apat ang 15 gramo ng umano’y shabu na P102,000 ang street value, buy-bust money, mga cellular phone na ginagamit sa  transaksiyon, caliber .38 revolver, caliber .45 pistol, mga bala at pampasabog.

Nakakulong na ang mga suspek sa Novaliches Police detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa  RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (TJ DELOS REYES)

Related posts

Leave a Comment