2 PATAY, 34 INMATE SUGATAN SA MANILA CITY JAIL RIOT

(NINA HARVEY PEREZ, RENE CRISOSTOMO/PHOTO BY KIER CRUZ)

PATAY  ang dalawa habang sugatan naman  ang mahigit sa 30 (Persons Deprived of Liberty(PDL)  sa naganap na riot sa pagitan ng Sigue Sigue Sputnik at Batang City Jail (BCJ), Linggo ng umaga sa loob ng Manila City Jail sa Maynila.

Kinilala ang mga nasawi base sa nakuhang report ng Manila Police District-Police Station 3 na  sina  Lito Escala,39, ng  1321 Alinyan St.  Moriones,Tondo; at Alvin Royo, 37, ng 1165 Panganiban St.Sta. Mesa.

Gayunman,sinabi ni MCJ Spokesperson J/Senior Insp. Jayrex Bustinera, nasugatan lamang ang mga inmates matapos na magkasuntukan.

Ayon sa report ng MPD-PS 3 ,alas 8:30 ng umaga nang ideklarang patay  sa Jose Reyes Memorial Center (JRMMC) ang dalawang PDL na hindi naman sinabi kung anong “gang” sila miyembro at kung ano ang sanhi ng kanilang pagkamatay.

Nabatid na ang komosyon ay nangyari umano sa Dorm 11 ar 12 ( Brgy Paraiso) ng Manila City Jail, alas 6:28 ng umaga.

Nalaman sa isang dorm leader na hindi na nagpabanggit ng pangalan na nagkatadyakan umano sa higaan ang dalawang PDL matapos na masikipan na siya umanong ugat ng kaguluhan.

Ayon kay  Bustinera, nauwi sa riot ang insidente nang magkampihan ang dalawang grupo ng gang.

Nalaman na siyam umano sa PDL na nasugatan ay isinugod sa JRRMC, habang ang 25 naman ay dinala sa Infirmary Clinic para lunasan at napayapa ang kaguluhan matapos ang 10-minuto.

Nilinaw naman ni Bustinera na suntukan lamang ang nangyari at walang ginamit na anumang armas o patalim.

Pinakamalala rin umanong naging sugat ng mga inmate ay sa ulo habang ang iba ay nasugatan sa ibang bahagi ng katawan.

Kaugnay nito,sinabi naman ni  J/Insp. Nelmar Malemata ng MCJ, hindi pa malinaw sa ngayon ang pinagmulan ng gulo.

Kinumpirma naman nito  na nitong mga nakalipas na araw ay napapansin na nilang mainit ang ulo ng mga inmate dahil sa sumiklab na kontrobersiya dahil sa Good Conduct Time Allowance (CGCTA) para sa pagpapalaya sa mga preso.

Hinala ni Malemata, marami sa mga ito ang nabubugnot dahil sa naunsiyami nilang paglaya.

Samantala, sinuspinde muna ng MCJ ,ang dalaw ng mga preso  dahil sa sunusunod na  protocol sa MCJ  na ikinagalit naman ng mga kaanak ng mga bilanggo na maghahatid sana ng pagkain.

Sinabi ni  Malemata, ang kaligtasan lamang ng mga dalaw ang kanilang isinasaalang-alang kaya’t sinuspinde muna ang pagpapapasok sa mga ito sa MCJ.

Ibabalik din umanon ang normal na dalaw kapag naging maayos na ang stiwasyon sa loob ng MCJ.

 

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment