3 KILONG COCAINE BYAHENG THAILAND NASABAT; 3 ‘COURIER’ HULI

NBI12

(NI JULIE DUIGAN/PHOTO BY KIER CRUZ)

NAHULOG sa kamay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong ‘courier’ ng iligal na droga na sinasabing mga recruit ng mga asawang Pinay ng miyembro ng Western African Drug Syndicate (WADS) nang makuhanan ng mahigit 3 kilong cocaine sa tangkang pagpuslit patungong Thailand, sa magkasunod na operasyon sa Pasay at Pasig City, iniulat kahapon.

Sa pulong-balitaan sa NBI headquarters kahapon, ipinrisinta sa mga mamamahayag ang mga suspek na kinilalang sina Ma. Clara Q. Bedico, Alvin J. Avila, at Antonette R. Mendiola, matapos isailalim sa inquest proceedings sa Department of Justice (DOJ) sa paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 5 (Transportation of Dangerous Drugs ) na may kaugnayan sa Section 26 (Conspiracy to Transport Dangerous Drugs) sa ilalim ng Republic Act 9165.

Sinabi ni  NBI deputy for investigative services Vicente De Guzman III na Marso 28, 2019 nang makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa ibibiyaheng cocaine ng isang Pinay patungo sa Thailand.

Nakipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang NBI at sa Pasay Police  at  kaagad pinababa sa eroplanong patungong Thailand si Bedico at naroon si Avila na umaalalay sa kaniya, para sa pagpapalusot ng travelling bag na nadiskubreng nakapalaman sa loob ng limang pirasong hard-bound childrens book  ang cocaine na nasa 3,297.5 kilos.

Nabatid na si Bedico at Avila ay nakatakdang makipagkita rin sa isa pang suspek na si Mendiola sa isang motel sa Pasig City para magkostudi pansamantala ng travelling bag na may lamang cocaine, habang naghihintay pa ng rebooking sa flight patungong Thailand si Bedico.

Agad ikinasa ang follow-up operation nitong Marso 29 at nadakip sa isang motel si Mendiola.

Ayon pa sa NBI, ang mga suspek na Pinoy ay nare-recruit lamang sa pamamagitan ng Facebook ng mga Filipina partners ng mga miyembro ng WADS. Nagiging interesado umano ang mga Pinoy na tanggapin ang alok na trabaho na inakala sa una ay magdedeliber lamang ng mga alahas sa iba’t ibang bansa.

Ang nasabing cocaine ay nakatakdang dalhin din mula Thailand patungong Brazil, ayon sa NBI.

Patuloy pang iniimbestigahan ang mga personalidad na nasa likod ng nasabing sindikato.

 

Related posts

Leave a Comment