200 PAMILYA NASUNUGAN

sunog11

TINATAYANG 200 pamilya ang nawalan ng tirahan nang tupukin  ang 80 kabahayan sa sunog na nagsimula dakong alas-9:56 ng umaga at tumagal ng halos dalawang oras sa isang residential area sa Good Year Almanza Uno, BF, Las Piñas City nitong Martes.

Ayon kay Bureau of Fire Arson investigator Chief Marvin David, ang sunog ay nagsimula sa bahay na pag aari ng isang Rolando Loreto.

Sinabi ng mga awtoridad, faulty electrical wiring ang isa sa  kanilang tinitingnang posibleng sanhi ng sunog na mabilis na kumalat sa iba pang kabahayan na pawang yari lamang sa  light materials.

Nakadagdag din umano ang malakas na hangin sa mas mabilis na pagkalat ng apoy.

Samantala, isang fire volunteer ang nagkaroon ng first degree burn ngunit agad namang nabigyan ng first aid ng rescue team mula sa Philippine Red Cross.

Nahirapan ang ilang fire volunteers at BFP sa pag-apula sa apoy  dahil makitid ang kalye papasok sa looban na kinaroroonan ng mga bahay na  nilamon ng apoy.

Patuloy  ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid ang posibleng sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng napinsalang mga ari-arian. (DAVE MEDINA)

Related posts

Leave a Comment