2 SUSPEK SA RESTO MURDER HINDI SUNDALONG CHINESE

HINDI miyembro ng People’s Liberation Army (PLA) ng China ang dalawang nahuling suspek sa pamamaril sa tatlong Chinese national dakong alas-10:00 ng gabi sa VIP Room ng Jiang Nan Hot Pot Restaurant sa #223 N. Garcia, Brgy. Bel-Air, Makati City noong Huwebes.

Nauna rito, nasakote ang mga suspek na sina Yang Chao Wen, 32-anyos, at Liang Yuan Wu, 29, kapwa Chinese national makaraang pagbabarilin ang mga biktimang sina Yin Jian Tao, 33, IT employee, dead on the spot sa insidente, at Zheng Kai, 25, online employee, kapwa rin Chinese national.

“Nakuhanan lang sila ng mga personal belongings na may mga ID ng sinasabing identification cards ng PLA o Chinese army pero hindi sila ang mga sinasabing nasa ID… Iba ang mga pangalan at iba rin ang mga mukha… Hindi rin member ng People’s Liberation Army or Chinese military ang mga suspek,” sabi ni Makati City chief of Police Colonel Rogelio Simon.

Sinabi pa ni Col. Simon, tatalakayin niya sa Chinese police attaché ang hinggil sa pagkakaroon ng dalawang Chinese national ng PLA ID at pagkakasangkot sa murder.

Hindi rin aniya inaalis ng mga imbestigador ang anggulo ng robbery sa pangyayari dahil may sangkot na mahigit P300,000 na nabawi mula sa dalawang suspek.

Tinitingnan din ng mga imbestigador ang koneksyon ng nangyaring krimen sa POGO operations dahil sa dalawang suspek ay POGO workers.

Samantala, inaalam pa, ani Col. Simon, ang pagkakakilanlan ng ikatlong suspek sa krimen.

Sinampahan na ang mga suspek ng kasong murder at frustrated murder. (DAVE MEDINA)

 

Related posts

Leave a Comment