2 MAID HULI SA P1.5-M NINAKAW NA ALAHAS, PERA NG AMO

crime robber12

(NI KEVIN COLLANTES)

PINAG-IINGAT ni San Juan City Police chief, P/Col. Ariel Fulo ang publiko sa pagkuha ng mga kasambahay, matapos maaresto ang  dalawang kasambahay na bagong pasok lamang sa trabaho, at inaakusahang nagnakaw ng P1.5 milyong halaga ng iba’t ibang uri ng mga alahas at cash ng kanilang amo sa San Juan City.

Kinilala ni Fulo ang mga suspek na sina Lourdes De Asis, alyas ‘Lulu,’  49, at Analyn Escari , alyas ‘Inday,’ 20, kapwa stay-in helpers sa 105 Kennedy St., North Greenhills, Barangay Greenhills, San Juan City.

Ang mga suspek ay naaresto dakong 8:45 ng umaga ng Sabado, , sa isang fastfood chain sa Annapolis, Barangay Greenhills, batay sa reklamo ng kanilang amo na si Victoria Marzan, 58, isang pribadong employer, at residente ng naturang lugar.

Batay sa salaysay ng biktima kay SPO2 Dennis Ramos, na nakarating kay Eastern Police District (EPD) director, P/BGen. Christopher Tambungan, nabatid na Abril nang tanggapin niya bilang katulong ang mga suspek, batay sa referral ni Meriam de Asis Ropaning, na kaanak umano ni Lourdes.

Matapos lamang naman ang isang buwan mula nang sila ay tanggapin sa trabaho, o nitong Mayo 16, ay nagpaalam na umano ang mga suspek sa amo na aalis na, na pinayagan naman umano niya.

Laking gulat na lamang ni Marzan nang madiskubre niyang nawawala na ang kanyang mga alahas at cash na nakalagay sa kanyang safety vault.

Kaagad namang kinontak ni Marzan si Ropaning at sinabihang dalhin ang mga suspek sa Greenhills dahil nais niyang makausap ang mga ito kaugnay ng insidente.

Pumayag naman umano si Ropaning, ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay naireport na pala ni Marzan sa pulisya ang insidente, kaya’t nang magkita sila sa loob ng isang fastfood chain ay kaagad nang dinampot ang mga ito ng mga tauhan ng Police Community Precinct 1 (PCP) ng San Juan City Police.

Mariin namang itinatanggi ng mga suspek na sila ang nagnakaw ng mga nawawalang cash at alahas ng biktima.

Batay sa report ng pulisya, ilang alahas at mga accessories na ang nagkakahalaga ng P150,000 ang nabawi nila ngunit hindi pa narerekober ang P910,000 halaga pa ng iba’t ibang uri ng alahas, gayundin ang P500,000 cash na nakalagay sa vault.

Kasalukuyan nang nakadetine ang mga suspek sa San Juan City Police Custodial facility at mahaharap sa kasong qualified theft.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment