2 DALAGITA SINAGIP, VENDOR NALUNOD

PINULIKAT at tuluyang nalunod ang isang 47-anyos na cigarette vendor makaraang sagipin ang dalawang nalulunod na dalagita sa Baseco beach sa Port Area, Manila, iniulat ng pulisya nitong Biyernes.

Kinilala ang biktimang si Rio Santos y Manuela (lalaki), part-time janitor at cigarette vendor, tubong Nueva Ecija, walang permanenteng tirahan sa lungsod.

Base sa ulat na isinumite ni Det. Bernando Cayabyab kay P/Capt. Henry Navarro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 1:20 ng hapon nitong Huwebes nang mangyari ang insidente sa Baseco beach sa bahagi ng Block 1, Gasangan, Baseco, Port Area.

Salaysay ng dalawang dalagita na sina “Cristine”, 14, ng R-10, Pier 4, at “Nene”, 12-anyos, ng Sta. Rosa, Tondo, kapwa out of school youth, naliligo sila sa dagat kasama ang iba pang mga kaibigan, nang bigla silang lumubog kaya sumigaw ang kanilang mga kasama sa paghingi ng tulong.

Agad namang kumilos si Santos at lumusong sa tubig para sagipin ang dalawang dalagita.

“Nung sinagip niya po kami, magkabilang braso niya ang kinapitan namin pero po nung nagsabi siya na namumulikat siya ay binitawan na kami kaya ‘yung mga ibang nandoon ang tumulong sa amin para doon na kami sa gilid… tapos nakita na lang namin na lumubog na siya at hIndi na namin siya nakita,” ayon sa isang nasagip na dalagita.

Makaraan ang kalahating oras ay lumutang ang katawan ng biktima.

Mabilis namang umanong nakahingi ng tulong ang mga kabataan at nang magresponde sina Pat. Rey Palawing at P/Cpl. Romeo Catabay, kapwa nakatalaga sa Baseco PCP sakop ng Ernita Police Station 5 ng MPD, ay agad iniahon ang biktima ngunit wala na itong buhay.

Salaysay naman ng mga lalaking kasama ng biktima, nagdiriwang sila ng kaarawan ni Santos kaya roon sila sa gilid ng dagat nag-inuman.

Nakainom na umano ang biktima at pabalik-balik sa paglalangoy sa dagat hanggang sa napansin nitong nalulunod ang dalawang dalagita kaya nito sinaklolohan. (RENE CRISOSTOMO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment