2 BEBOT SA MOTORSIKLO PATAY SA TRUCK

accidentsign1

KAPWA patay ang dalawang babaeng magkaangkas sa motorsiklo nang masalpok ng isang trailer truck sa Tondo, Manila nitong Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang mga biktimang sina Ana Virginia dela Cruz, 27, residente ng 63 San Roque St., Bagumbayan, Quezon City, at Ilora Joyce Suñer, 25, ng 1783 Yakal St. sa  Tondo.

Samantala, timbog naman ang driver ng trailer truck na kinilalang si Roilan Ruado, 41, ng 232 A. Paz St., Bagumbayan, Pililia, Rizal.

Base sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila Police District (MPD), bandang 1:00 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa northbound lane ng Jose Abad Santos Avenue sa panulukan ng Quiricada St. sakop ng Tondo.

Nabatid sa report ng pulisya, lulan ang dalawa sa isang Yamaha Mio (MVF No. 1380-943235)  na minamaneho ni Dela Cruz, at binabagtas ang westward lane ng Quiricada Street.

Pagsapit sa naturang lugar, bigla itong sumalpok sa  Isuzu Giga na 14-wheeler trailer truck ( AAT-3526)  na minamaneho naman ni Ruado na bumabaybay sa Jose Abad Santos Avenue.

Tumama ang unahang bahagi ng motorsiklo sa kanang hulihang bahagi ng truck at sa lakas ng impact ay kapwa tumilapon ang mga biktima na nagresulta sa kanilang agarang kamatayan.

Hawak na ng pulisya ang driver ng truck na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide. (RENE CRISOSTOMO)

Related posts

Leave a Comment