160 PAMILYA HOMELESS SA SUNOG SA QC, MAYNILA

SUNOG-8

UMABOT sa 160 pamilya ang nawalan ng tirahan sa magkahiwalay na insidente ng sunog sa Tondo, Maynila at Quezon City.

Sa Tondo, Maynila umabot sa Task Force Delta ang sunog na nagsimula nitong Huwebes dakong alas-1:00 madaling araw sa isang bahay sa #2608 Lico Street.

Umabot ng limang oras ang sunog bago idineklarang fire-out bandang alas-6:00 ng umaga.

Tinatayang 120 pamilya ang nawalan ng tirahan at umabot sa P1.5 milyon ang halaga ng napinsalang mga ari-arian.

Ayon kay Senior Fire Inspector Rodolfo Dinaga ng Manila Fire District, karamihan sa mga bahay ay yari sa light materials kaya mabilis na kumalat ang apoy.

Walang naitalang casualty sa nangyaring sunog. Inaalam ng mga awtoridad ang posibleng sanhi ng nasabing insidente.

Samantala, tinatayang 40 pamilya ang nawalan ng bahay sa sumiklab na sunog sa Barangay Ramon Magsaysay sa lungsod ng Quezon.

Nabatid mula kay Fire Inspector Sherwin Penafel, chief arson investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP), mabilis na natupok ang mga kabahayan dahil pawang gawa sa light materials ang mga ito.

Sa inisyal na report, pagwe-welding sa tabing bahay ang sinasabing naging dahilan ng sunog na unang naitala dakong alas-4:52 ng hapon nitong Miyerkoles.

Ayon sa ulat, habang may nagwe-welding sa isang gusali ay bumagsak ang maliliit na baga mula rito patungo sa bubungan ng isang bahay sa ibaba.

Nabatid sa imbestigasyon na walang hot works permit ang isinagawang welding sa lugar.

Dakong alas-5:56 ng hapon nang idineklarang fire under-control ang sunog sa nabanggit na lugar.

Ang mga residente ay lumikas sa covered court ng barangay. (DAHLIA ANIN/JG TUMBADO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment