14,000 PUWERSA NG PNP KASADO NA SA TRASLACION 2020

TINIYAK ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na sasapat  ang kabuuang 13,624 pulis na pakikilusin para sa seguridad at kaayusan ng Traslacion ng Poong Itim na Nazareno ngayong Huwebes.

Sinabi ng kalihim na bagama’,t pinaigsi ang ruta ng traslacion, kinakailangan pa ring masiguro ang kaligtasan ng libu-libong deboto na inaasahang daragsa sa prusisyon.

“Despite it taking a shorter route than usual, we guarantee the public and the devotees of the Black Nazarene that all bases are covered and all security measures are in place for the Traslacion 2020,” pahayag ni Año.

“This annual display of faith is expected to attract thousands of believers kaya naman siniguro namin na makakaagapay tayo sa pagtitiyak ng seguridad ng lahat,” dagdag pa ng kalihim.

Nauna na aniyang naplantsa ng DILG, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection gayundin ng iba pang law enforcement units ang plano ng seguridad at ang daloy ng prusisyon mula sa Quirino Grandstand pabalik ng Quiapo church sa Maynila.

Sinasabing mayroong 2,144 pulis na binubuo ng Regional Mobile Force Battalion at Special Action Force ang magse-secure sa tinawag na “andas wall” habang mayroong 1,065 pulis mula sa Eastern Police District (EPD) ang mangangasiwa sa crowd control at 1,206 pulis mula sa Regional Headquarters at patrolmen ay nakaposisyon sa paligid ng Quiapo.

Hiwalay pa ito sa malaking grupo ng puwersa ng PNP at BFP na nakatutok sa mga ruta ng traslacion at sa iba pang krimen na maaaring mangyari sa panahon ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.

“Alam nating ang Traslacion sa kapistahan ng Itim na Nazareno ay isa sa mga pinakamasidhing pagpapakita ng pananampalataya ng ating mga kababayan na nagtitipon ng daang libong Filipino kaya naman ginawa natin ang kinakailangang paghahanda at itinalaga ang ating kapulisan para sa kaligtasan ng lahat,” ani Año.

“Sa lahat po ng ating ginagawa, hinihiling po namin na sana disiplina muna. Nauunawaan po namin na ito ay pagpapahayag ng inyong pananampalataya, ngunit una pa rin po ang hangarin nating walang masaktan at maging ligtas ang lahat kaya sana po makiisa tayo,” paalala pa ng kalihim.  (JG Tumbado)

Related posts

Leave a Comment