VILMA SANTOS AND VICTOR WOOD, NON-SINGERS NA LEGIT HITMAKERS

Natawa kami Tito KC doon sa hinanakit noong Juan Karlos Labajo ba iyon, na sila raw mga singers aypwede ed deleon hindi nabibigyan ng pagkakataon, samantalang iyong mga artista na dahil sikat kahit na non-singers ay siya pang nabibigyan nang higit na pansin.

Mukhang dahil baguhan siya, hindi niya alam na ang musika sa ating bansa ay isang industriya rin. Kailangang kumita ang namumuhunan. Sino bang baliw ang magpo-produce ng plaka kung malulugi lang? Sino ba ang magpapa-concert kung hindi naman kikita? Iyan muna ang isipin nila bago sila magreklamo.

Isang magandang example, si Ate Vi. Hindi singer si Congresswoman Vilma Santos. Pero noong kanyang panahon nakagawa siya ng ilang long playing album. Iyong kanyang album na Batya’t Palu-Palo, naging gold record iyon, at noong panahong iyon para masabing gold ka, kailangan certified ng PARI na ikaw ay nakapagbenta na nang mahigit sa 40,000 copies. Eh ngayon sampung libo lang yata gold na eh. Binabaan na nila ang standards dahil wala nang bumebenta nang ganoon karami.

Iyon ding kauna-unahang album na ginawa ni Ate Vi, iyong Sixteen, naging gold record din ang album na iyon, at naging klasiko. Hanggang ngayon may naririnig pa kaming nagpapatugtog ng Sixteen. Madalas pa rin naming naririnig iyong adaptation ni Ate Vi noong Build Me Up a Buttercup. Pero hindi siya singer ha. Pero kung may natutuwang marinig siyang kumanta, ano ba ang pakialam ninyo?

Iyang si Victor Wood, artista naman talaga iyan. Hindi naman iyan singer. Natatandaan namin ang kuwento noong isang kilalang musical arranger, composer at music director din tungkol kay Victor Wood noong araw, “naks ng buhay, pumasok kami sa studio beer pa iniinom ng mga tao. Noong lumabas ako kape na ang iniinom hindi pa rin kami tapos”.

Hindi singer si Victor Wood, pero iyong pakulo lang noong una na naagaw niya ang pagiging jukebox king sa mas nauna at totoong singer na si Eddie Peregrina, nangyari dahil sa malakas na benta ng kanyang plaka. Kahit na lip synch lang iyan, tumitira ng mga shows si Victor Wood at marami ang nanonood. May mga djs na ang radio shows ay tumaas ang ratings, pati iyong istasyon ng radyo na one kilowatt lang ang power, dahil panay ang patugtog nila sa mga kanta ni Victor Wood, hindi ba Nick Mendoza?

Iyang musika, kagaya rin ng ibang sangay ng sining, walang makapagsasabi na sila ang magaling o sila ang may monopolyo riyan. Ang katatagan ng iyong musika ay depende sa suportang nakukuha mo sa publiko. Ano mang musika ang gawin mo, kung wala namang nakakagusto maliban sa iyo, sorry ka.

Mayroon diyan mga singers, pilit ding pinasisikat ng kanilang mga managers. Panay ang pra lala kahit na fake news na masabi lang na sikat. Oras na mawala ang pra la la, sikat pa ba? Nawawala nga sila nang hindi napapansin ng mga tao. Kasi ang musika ay industriya.

Sasabihin na naman ninyo, puro pera lang ba ang mahalaga? Natural sa negosyante ang umaasang makakabawi hindi man tumubo. Kung gusto ninyo ng break kahit na walang pumapansin sa inyo, di kayo mag-produce ng plaka ninyo. Pero marami nang gumawa niyan. Bumibili pa ng kanta sa mga sikat na composers, hanggang sa nara-raket lang sila. Kasi makakapag-recording hindi naman maibebenta. Papaano na mababawi ang puhunan nila? Maraming mga japayuki noong araw na ginawang singer ng mga lehitimong composers ha, pero wala ring nangyari. Iyon lang mga nagbenta ng kanta ang kumita, tapos dahil wala namang nakarinig, maibebenta pa nila ulit ang kanta nila sa iba.

Isa lang ang masasabi namin diyan, huwag na munang mag-ambisyon nang mataas. (PWEDE… By Ed de Leon)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment