SUNUD-SUNOD NA BEST ACTRESS TAPOS FLOP ANG PELIKULA

(NI GORGY RULA)

MAHIGIT kalahating bilyon na ang kinita ng Hello, Love, Goodbye na dalawang linggo na sa mga sinehan.

Patuloy pa rin itong nagpapakita ng lakas sa takilya, dahil ang dami palang mga nag-uulit na panoorin.

Domestic gross pa lang iyun, at hindi pa kasali ang mga international screenings talagang dinadagsa pa  rin daw ng mga manonood.

Kaya malaki raw talaga ang posibilidad na maabot nito ang record ng The Hows of Us.

Kasabay nang pananalasa sa takilya ng HLG, meron namang pa-hashtag ngayon ang mga JaDine fans ng #JusticeforIndak.

Ang pagkakaintindi ko lang sa hashtag na iyun ng mga fans ni Nadine ay nawawalan na raw sila ng mga sinehan, dahil ibinibigay na raw sa ibang pelikula na ang karamihan ay ibinalik pa sa HLG.

Obvious naman kung bakit nawawalan na sila ng mga sinehan, dahil mahina talaga at hindi na pumalu-palo nung weekend.

May iilang sinehan pa namang naiwan sa Indak nina Nadine Lustre at Sam Concepcion pero slide na lang ang iba.

Nakalulungkot talaga ng sinapit nito sa takilya na tila hindi naman inalagaan nang husto ng Viva Films.

Ang latest na narinig namin, magbabakasyon daw muna si Nadine.

Hindi lang kinlaro kung saan siya pupunta at kung gaano katagal, pero tama ngang ibakasyon muna niya para ilabas muna lahat na mga kamalasan na tinamo ng mga pelikula.

Sayang kasi, dahil sunud-sunod pa naman siyang nag-Best Actress, tapos flop naman ang mga pelikula niya.

Kaya dapat merong magandang maisip ang Viva para makabawi na si Nadine.

Nakakapanghinayang naman kasi ang galing niyang umarte.

REP. ALFRED, SHAINA & CO. MUNTIK MA-STRANDED SA HK AIRPORT

Nalagpasan ng team ni Cong. Alfred Vargas ang gulo sa Hongkong nang mag-shooting sila roon para sa pelikulang MNL/HK/NY na working title nito.

Kasama ni Alfred na nag-shoot doon si Shaina Magdayao under the direction of Mac Alejandre.

Apat na araw daw silang nag-shoot doon na ilang beses ding naantala dahil sa kabi-kabilang protest rally na ginagawa roon.

Mabuti at cooperative naman daw ang mga kababayan nating OFW na nagtatrabaho roon, kaya nakunan nila ang mga mahahalagang eksenang dapat kunan.

Medyo tensyonado na raw sila nung nakaraang Lunes, August 12 dahil kailangang makabalik na sila ng bansa.

Natatakot na raw silang baka ma-cancel ang mga flights at stranded na sila roon.

Buti na lang daw maaga ang nakuha nilang return flight at nakalipad na sila bago nakansela ang mga flights.

“Pagdating ko ng bahay, nakatulog agad ako sa sobrang pagod,”text sa kin ni Alfred.

Marami pa raw siyang ikukuwento kapag magkita kami.

Susubukan pa naming kapanayamin sa radio program naming Showbiz Talk Ganern sa DZRH.

Kasali rin sa pelikula si Iza Calzado, at mabuti na lang daw hindi siya kasali sa  mga eksena sa Hongkong, at kung nagkataon baka doon daw siya sa Hongkong mag-birthday.

Next week na raw siya lilipad patungong New York para ipagpatuloy ang shooting nila roon.

Excited si Cong. Alfred sa project na ito dahil ang ganda raw ng kuwento na sinulat ni Ricky Lee.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment