SI JENNYLYN, HINDI SI MARIAN, ANG LEADING LADY NI DINGDONG

ang kulit ni Lolit(NI LOLIT SOLIS)

AYAN ha? Nagsisimula nang mag-taping si Jennylyn Mercado para sa Descendants of the Sun.

Tapos na yung haka-haka na si Marian Rivera ang makaka-partner ni Dingdong Dantes na noon pa man ay sinasabi naman ni Marian na hindi pa niya kayang mag-taping.

Bagay naman kay Jennylyn ang gumanap sa role ni Dr. Maxine Kang eh, na ginawa na nilang si Dr. Maxine dela Cruz.

Abangan natin yan, kung okay ang tandem nila pagkatapos naman nilang magsama bilang host sa Starstruck.

Sa ngayon ay malabo pa raw talagang mag-soap si Marian.

Malalaman daw next year kung ano ang nakaplano sa kanya ng GMA 7, pero okay na muna siya sa ngayon sa Sunday Pinasaya at sa Tadhana.

Mas maganda nga ang aura ngayon ni Marian dahil wala siyang pressure sa trabaho eh.

Napi-pressure lang siya kung may gatas pa ba siyang mapapadedede kay Ziggy. Kasi mas naka-focus na lang siya ngayon sa pagiging ina at housewife. Kaya naman swak na swak siya sa mga endorsements na pang-nanay.

Napakaganda niyang nanay na nag-i-endorse ng produktong pambahay gaya ng Tough Mama na Kitchen appliances, Wilkins, may Beautederm pa siya na mga home scents, at meron pa siyang latest ngayon ang Waltermart Supermarket.

Bagay na bagay naman sa kanya talaga dahil si Marian  talaga ang namamalengke at siya ang nagluluto, Misis na misis kasi talaga yan, kaya sobrang happy ni Dingdong na pag-uwi niya, may masarap siyang nakakain na luto ng asawa niya.

Napakamadasalin pa niya na lahat na ipinagdasal niya ay talagang binigay ng Diyos. Kaya ang bongga bongga  ni Mrs. Dantes na nakikita naman kung gaano sila kasaya ni Dingdong sa kanilang pagsasama.

LEKSIYON NA NAIWAN SA PAGYAO NI AMALIA

Kahapon na inihatid sa huling hantungan si Amalia Fuentes, sa may Loyola Memorial Park sa Marikina.

Base sa kuwento sa akin ng mga bading na naglalagare sa mga dead (kasabay din ng burol ni Tony Mabesa), ang nakikita raw nilang sobrang apektado ay ang paborito niyang apong si Alfonso Martinez.

Hindi na raw ito gaanong nakapagsalita sa eulogy dahil iyak na lang daw siya nang iyak.

Siya naman kasi ang talagang personal na nag-aasikaso sa Lola Nena niya hanggang sa pumanaw ito.

Kaya nga ang pinag-uusapan daw doon sa burol ay tiyak na kay Alfonso daw mapupunta ang karamihang  kayamanan ni Amalia.

Ang sabi raw nila doon ang dami talagang mga properties na ipamamana ni Amalia at siguro naayos naman niya iyun nung nakaratay pa siya.

Naalala ko pa nga na meron siyang adopted son na maaring magmana ng ilang kayamanan, pero nagulat ako sa kuwento nilang namatay na rin pala iyon two years ago pa. Nauna pa siya sa Mama Nena niya. Nakakaloka!

Ang narinig ko lang sa ibang kuwento, naibenta na raw ang ibang properties ni Amalia. Ang ayaw na ayaw daw niya talagang ipabenta ay ang mansion niya sa may New Manila.

Talagang pinaghirapan daw niya kasi ang bahay na iyun, kaya kabilin-bilinan daw niyang huwag na huwag itong ibenta.

Doon sila nakatira ni Alfonso, kaya siguro na kay Alfonso na iyun, di ba?

Napakahalaga raw kasi ng bahay na iyon sabi nila na talagang personal na inayos daw iyon ni Amalia, na sabi nga nila ultimo pako ay bilang na bilang niya.

Eh kahit noong malakas pa si Amalia, grabe talaga siya sa pagkatipid at pagkakuripot, kaya nakita nyo naman ang mga naiwan niyang properties.

Magandang leksyon ito sa ating lahat, pero maganda rin yung habang kaya pa, dapat magbiyahe nang magbiyahe. Magandang experience talaga ang  mag-travel lalo na kung kasundo mo ang mga makakasama mo di ba?

INGGIT AKO KAY GORGY NA MAGIGING SENIOR CITIZEN NG MAKATI

Gusto ko nga pala palakpakan si Makati Mayor Abby Binay, ha?

Ang ganda ng mga benefits na binigay niya sa mga senior citizens ng

Makati noong ipinagdiwang nila ang Elderly Filipino Week noong nakaraang linggo, mula October 1 hanggang 7.

Doon ko nalamang bukod sa libreng sine  sa Makati, ‘yong cake na ipinapadala tuwing birthday, libre pa ang mga gamot, may annual cash gift, primary  healthcare, lahat na kailangan sa kalusugan ay bahala na ang Makati City hall sa kanila.

Kaya  okay talaga ‘pag doon ka na sa Makati tumanda.

Kunsabagay, ang tatay naman niyang dating VP Jejomar Binay ang nagpasimula nito, at itinutuloy-tuloy lang ni Mayor Abby.

Kaya nga inggit ako kay Gorgy na gustung-gusto  na talaga sa Makati.

Ang dami nga raw nilang privileges doon at hindi sila napapabayaan.

Ang galing lang talaga nila.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment